RAPIDO ni PATRICK TULFO
SINABON ni Sen. Raffy Tulfo ang Philippine National Police, National Bureau of Investigation at Cybercrime Investigation and Coordinating Center sa pagdinig ng Senado hinggil sa patuloy na pamamayagpag ng illegal na online sabong.
Nakapagtataka na hindi alam ng mga nabanggit na ahensiya partikular na ang PNP at NBI, kung sino ang mga nasa likod ng patuloy na pamamayagpag ng online sabong nang tanungin sila ng senador.
Kaya pinangalanan na ni Sen. Raffy ang mga ito. Hawak daw ng isang “Pineda” ang online sabong operation sa Region 3 at 4 samantalang isang nagngangalang Bernos naman ang may hawak ng operasyon nito sa Cordillera Administrative Region (CAR), kasama na ang Abra.
Maaaring ang kilalang jueteng lord ng Central Luzon na si Bong Pineda at Cong. Joseph Bernos ng Abra, ang mga tinukoy ni Sen. Tulfo dahil bago pa ipinatigil ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng online sabong ay sila na ang mga may prangkisa na ibinigay ng Games and Amusement Board, kasama na si Atong Ang.
Ayon sa aking source, dating hawak ni Atong Ang ang operasyon ng E-sabong sa NCR, Laguna at Batangas, habang hawak naman ni Bong Pineda ang Region 3 at 4, at kay Bernos ang Abra at CAR.
Lumalabas sa pagdinig ng Senado na hindi pala natigil ang operasyon ng dalawang nabanggit dahil patuloy pa rin ang mga ito kahit na mahigit tatlong taon nang ipinatigil ito ng gobyerno.
Ibinunyag din ni Sen. Raffy na kahit na nakarating na sa mga nasa likod ng illegal na online sabong, ang ginagawang pagdinig ay hindi ito pinansin at patuloy pa rin ang pag-ere ng illegal na sugal.
Talaga naman napaka-imposible na hindi alam ng pamunuan ng PNP kung sino ang mga nasa likod ng operasyon ng illegal na E-sabong.
Sinabi naman ng NBI na kumukuha na sila ng warrant sa korte para hulihin ang ilegal na online sabong sa Bulacan.
3
