NAGPASOK ng panibagong fraud audit reports ang Commission on Audit (COA) sa Office of the Ombudsman matapos madiskubre ang apat na “ghost projects” ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – Bulacan 1st District Engineering Office.
Unang binusisi ng COA ang flood control project ng Wawao Builders sa Angat River, Plaridel, na nagkakahalaga ng P92.6 milyon. Bagama’t idineklarang “completed” noong Hunyo 11, 2024 sa Sumbong sa Pangulo website, nakita ng COA na ongoing pa ang construction noong Setyembre 10, 2025. Batay pa sa satellite images, walang flood control structure sa lugar.
Posibleng sangkot dito sina District Engineer Henry C. Alcantara, Bids and Awards Committee Chairperson Ernesto C. Galang, at si Mark Allan V. Arevalo ng Wawao Builders.
Sunod na tinutukan ang tatlong proyekto ng joint venture TopNotch Catalyst Builders Inc. at One Frame Construction Inc. Una, ang slope protection sa Brgy. Bunsuran, Pandi, na P98.9 milyon ang halaga, ngunit hindi tumugma ang lokasyon na itinuro ng DPWH sa plano kaya idineklarang ghost project.
Pangalawa, ang slope protection sa Bocaue River, Brgy. Bambang, Bocaue na halos P99 milyon ang halaga. Nabatid ng COA na may existing structure na bago pa man ang petsa ng sinasabing pagsisimula ng proyekto. May Notice of Disallowance na rin laban dito dahil sa kawalan ng disbursement documents.
Pangatlo, isa pang proyekto sa parehong barangay na nagkakahalaga rin ng P99 milyon. Tulad ng nauna, may existing structure na at mali rin ang tinurong site. Bukod pa rito, inaprubahan agad ang isang change order na halos P4 bilyon, na labag sa Procurement Law.
Bukod kina Alcantara, Galang at Arevalo, kabilang din sa mga itinurong mananagot sina Assistant District Engineer Brice Ericson D. Hernandez, Engineer II Jolo Mari V. Tayao, Engineer II Lemuel Ephraim S.D. Roque, Engineer II John Michael E. Ramos, Planning and Design Chief Ernesto G. Galang, Project Engineer Niño Lawrence V. Morales, Maintenance Section Officer-in-Charge Jaime R. Hernandez, Quality Assurance Section Chief Norberto L. Santos, at Construction Section Chief Jaypee D. Mendoza. Isinama rin si Gian Carlo Galang, Managing Officer ng TopNotch Catalyst Builders Inc./One Frame Construction Inc., pati na ang mga opisyal at board members ng dalawang kumpanya.
Maaaring masampahan sila ng kasong graft, malversation, falsification of documents, at paglabag sa Procurement Act at COA rules.
Ayon sa COA, hindi pa pinal ang listahan ng mga dawit at maaari pang madagdagan. Ang audit ay tugon sa utos ni Chairperson Gamaliel Cordoba noong Agosto 12, 2025 na imbestigahan ang lahat ng flood control projects ng DPWH-Bulacan mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025.
