NASA 17 katao na pawang hinihinalang armed lawless elements ang nadakip sa isinagawang joint law enforcement operation ng militar at pulisya sa lalawigan ng Maguindanao del Norte na nagresulta sa pagkasamsam ng ilang de kalibreng baril at pampasabog.
Ayon kay LTC Roden R. Orbon, Army 6th Infantry Division spokesperson, napigilan nila ang posibleng malagim na karahasan nang masabat ng kanilang mga tauhan ang mga armas at pampasabog mula sa isang armed lawless group sa operasyong isinagawa sa Barangay Kapinpilan, Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Lt. Col. Loqui O. Marco, pinuno ng 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion, bandang alas-5:30 ng umaga noong Marso 17, 2025, nang isagawa ng mga elemento ng 90IB, Ampatuan Municipal Police Station, at tropa ng Provincial Mobile Force Company ng Maguindanao, ang joint law enforcement support operation sa nasabing lugar.
Nagresulta ito sa pagkakahuli sa 17 indibidwal at pagsamsam ng dalawang improvised explosive device (IED), na agad isinailalim sa ligtas na recovery and disposal.
Samantala, sa isang engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at mga miyembro ng armed lawless group sa lugar, nasabat ang anim na matataas na kalibre ng baril, kabilang ang dalawang M16 rifles at apat na M14 rifles.
“Ang mabilis at epektibong pagtugon ng ating mga kasundaluhan ay isang patunay ng ating patuloy na determinasyon na sugpuin ang mga banta sa seguridad sa ating nasasakupan. Hindi natin hahayaang magtagumpay ang mga grupong nagtatangkang maghasik ng kaguluhan sa ating mga komunidad,” pahayag ni Brig. Gen. Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade.
Samantala, pinuri ni Major General Donald M. Gumiran, commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, ang maagap na aksyon ng mga sundalo at pulis.
“Ang tagumpay na ito ay bunga ng masusing koordinasyon at dedikasyon ng ating kasundaluhan at kapulisan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan. Patuloy nating paiigtingin ang ating operasyon upang matiyak na hindi makakapanalasa ang mga grupong naglalayong sirain ang kapayapaan sa ating rehiyon,” ani Maj. Gen. Gumiran.
Patuloy na nananawagan ang militar sa publiko na makipagtulungan at agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anomang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa kanilang mga komunidad. (JESSE KABEL RUIZ)
