HINIKAYAT ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang mga Pilipino na manatiling matatag at kumapit sa kanilang pananampalataya sa gitna ng patuloy na pag-ulan at iba pang pagsubok na kinakaharap ng bansa.
Sa kanyang mensahe para sa ika-44 anibersaryo ng Mandaport Apostolic Pentecostals (MAP) Church nitong Agosto 30, sinabi ni Cayetano na hindi maiiwasan ang mga unos sa buhay, ngunit malalampasan ang mga ito ng mga taong matibay ang pundasyon sa kanilang pananampalataya.
“Kung may bagyo o wala sa ating buhay, dadating at dadating ‘yan kahit saan tayo mapunta… Pero ang sabi sa Bible, ‘pag tama ‘yung ugat mo, tama kung saan ka nag-build, madaranas mo lahat ‘yan pero hindi ka mauugat,” wika ni Cayetano.
Sinabi ni Cayetano na hindi lamang bagyo at malalakas na ulan ang mga unos na kailangang harapin ng mga Pilipino, kundi maging ang pagbaha, kawalan ng trabaho, mababang sahod, pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mataas na presyo ng gasolina.
Binigyang-diin din niya na ang pagiging nakaugat sa pananampalataya kay Kristo ay may kaakibat na pananagutan na isabuhay ito at maging “ambassadors of Christ” sa kanilang mga komunidad.
Bilang dating kalihim ng Department of Foreign Affairs, inihalintulad ni Cayetano ang mga Kristiyano sa isang ambassador na kumakatawan hindi sa kanyang sarili kundi sa kahariang kanyang pinaglilingkuran.
“Ang ambassador ay walang karapatan sabihin ang kanyang opinion kasi ang nire-represent po niya ay ang kanyang bansa. In the olden days and biblically you are representing the Kingdom and the King,” wika niya.
Ayon kay Cayetano, bahagi rin ng pagsasabuhay ng pananampalataya ang pagkilala sa dignidad ng bawat tao kahit may hindi pagkakasundo, habang nananatiling nakatuon sa mga problemang kailangang lutasin.
“You have to remember na kahit kalaban mo, kahit galit na galit sa kanya, gawa din siya ng Panginoon,” wika ni Cayetano, na ibinahagi ang payong ibinigay sa kanya ng mga pastor.
Sinabi ng Minority Leader na dala rin niya ang ganitong pananaw sa pagtugon sa korapsyon.
“Halimbawa tingin ko ‘yung isang tao, corrupt — hindi siya ‘yung kalaban ko, ‘yung corruption ang kalaban ko,” wika niya.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, hinikayat ni Cayetano ang mga Pilipino na manatiling nakakapit sa kanilang pananampalataya anuman ang unos at hirap na kanilang pagdaanan.
“Ang gina-guarantee ng Panginoon, ‘pag ikaw ay nakaugat sa Panginoong Hesu Kristo, hindi ka mauugat,” wika ni Cayetano.
107 