NAGLABAS ng babala ang US Embassy sa Manila sa mga aplikante ng US visa na huwag gumamit o magsumite ng mga pekeng dokumento sa kanilang visa application.
Pinaalalahanan din ng embahada ang mga aplikante na huwag magsinungaling sa kanilang aplikasyon dahil maaari itong humantong sa pag-aresto, kasong kriminal at lifetime ban sa pagpasok sa Estados Unidos.
Sa isang post sa X nitong Sabado, Agosto 29, sinabi ng embahada na kamakailan ay ipinaalam nito sa Philippine law enforcement authorities ang isang kaso ng visa fraud na nauwi sa pagkakaaresto sa isang aplikanteng gumamit ng mga pekeng dokumento.
Ayon sa embahada, agad nitong ipinapaalam sa mga awtoridad ng Pilipinas kapag may nadidiskubreng pekeng dokumentong Pilipino habang pinoproseso ang visa application.
“Using fake documents or misrepresenting facts can result in a lifetime ban from entering the United States as well as criminal prosecution and arrest,” ayon sa embahada.
Binigyang-diin ng US Embassy na seryosong paglabag ang visa fraud at hindi dapat isipin ng mga aplikante na hindi matutuklasan ang kanilang mga pekeng dokumento o maling impormasyon.
“Walang sikreto. No secrets, no exceptions, no tolerance for fraud,” babala ng embahada.
Hinimok din ng US Embassy ang sinomang may impormasyon tungkol sa visa fraud na i-report ito sa FPMManila@state.gov.
(JESSE RUIZ)
93 