ULAN NA BUMUHOS SA MAYNILA NOONG SABADO, KATUMBAS NG 10 ARAW NA PAG-ULAN

ANG malakas na pag-ulan na tumama sa Lungsod ng Maynila noong Sabado, Agosto 29, ay katumbas ng ulan na karaniwang naiipon sa loob ng 10 araw, ayon sa Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD).

Ilang ulit nakaranas ng matinding pag-ulan ang Maynila noong araw na iyon, at ang pinakamalakas na buhos ay naitala bandang alas-4 ng hapon, batay sa datos ng MCDRRMD.

Ayon kay Christian John Evangelista, resident meteorologist at Chief of Research and Planning ng MCDRRMD, ang pinakamataas na kabuuang dami ng ulan na naitala noong araw na iyon ay nasa Dr. Alejandro Albert Elementary School sa Sampaloc, na umabot sa 147.4 milimetro (mm).

“Katumbas po ng sampung araw na ulan ang bumuhos sa Maynila kahapon. Ang pinakamataas na na-record natin ay sa Dr. Albert ES na umaabot sa 147.4 mm at ang pinakamataas na hourly rate ay bandang 4 p.m., 23.6 mm,” ani Evangelista.

Nagsimulang lumakas ang ulan mula gabi hanggang madaling-araw. Nagtala ang mga monitoring station sa iba’t ibang bahagi ng lungsod ng katamtaman hanggang matinding pag-ulan mula alas-1 hanggang alas-4 ng madaling-araw, bago ito bahagyang humina pagsapit ng kalagitnaan ng umaga.

Ayon kay Evangelista, dalawang beses nakaranas ang lungsod ng matindi hanggang napakatinding pag-ulan, bandang alas-1 at alas-4 ng hapon.

“Makikita po na tayo nakaranas ng dalawang episodes ng heavy to intense rainfall sa siyudad bandang 1 p.m. at 4 p.m.,” sabi niya.

Muling lumakas ang ulan bandang alas-1 ng hapon, kung saan lahat ng apat na monitoring station ay umabot sa kategoryang “Intense.” Bahagya itong humina bago muling sumidhi 4:00 ng hapon.

Sa oras na iyon, naitala ng mga istasyon ang pinakamalalakas na hourly rainfall reading ng buong araw, mula 23.6 mm hanggang 27.2 mm.

Ang iba pang monitoring station ay nagtala rin ng mataas na kabuuang dami ng ulan:

• Cayetano Arellano High School: 143 mm

• BASECO Evacuation Center: 135.8 mm

• Manila City Hall: 129.6 mm

Dahil sa paulit-ulit na paglakas ng ulan, maraming pangunahing kalsada sa Maynila ang binaha pagsapit ng hapon.

Ayon sa MCDRRMD, umabot sa lalim ng gutter ang baha sa malaking bahagi ng Taft Avenue at ilang bahagi ng España Boulevard. Sa bahagi ng Pedro Gil sa Roxas Boulevard at sa Magsaysay–V. Mapa area sa Sta. Mesa, umabot naman sa 8 pulgada ang lalim ng baha.

Samantala, sa Kalaw Avenue patungong Taft, umabot sa 10 pulgada o kalahating tuhod ang tubig—ang pinakamalalim na naitalang pagbaha sa lungsod noong araw na iyon.

“Sapat po ang dami ng ulan na ito upang makapagtala ng mga pagbaha lalo na po sa ating low-lying areas,” ani Evangelista.

Kasabay ng pinakamalakas na buhos ng ulan

4:00 ng hapon ang mabilis na pagdami ng mga evacuee. Batay sa datos ng Manila Department of Social Welfare (MDSW), mahigit dumoble ang bilang ng mga pamilyang at indibidwal na nasa evacuation centers mula alas-2 hanggang alas-4 ng hapon.

Patuloy pang nadagdagan ang bilang ng mga evacuee hanggang magdamag. Sa pinakahuling ulat ng MDSW, hanggang alas-8 ng umaga noong Linggo, Agosto 30, nasa kabuuang 367 pamilya at 1,141 indibidwal na ang nasa mga evacuation center sa buong lungsod.

Pinakamalaki ang pagtaas ng bilang ng evacuees sa Districts V at VI at sa BASECO.

Sa Don Bosco School sa District VI, nasa 157 pamilya o 518 indibidwal na ang kasalukuyang sinisilungan. Samantala, ang BASECO Evacuation Center ay kumupkop na ng 150 pamilya o 450 indibidwal.

Ayon kay Manila City Social Welfare Officer Jay Dela Fuente, naglaan ang MDSW ng mainit na pagkain, hapunan, sleeping mats, at almusal para sa mga evacuee. (BP)

99

Related posts

Leave a Comment