MGA PINOY NASA GITNA NG GIYERA SA GITNANG SILANGAN

RAPIDO ni PATIRCK TULFO

BINABALOT ngayon ng takot ang mamamayang nasa Gitnang Silangan sa harap ng nagaganap na giyera, kabilang na rito ang ilang milyong Filipino.

Isa nga sa nasawi ang isang Pinay na natamaan ng debris mula sa missile sa Israel.

Ang tanong, handa ba ang ating mga ahensya para tulungan ang ating mga kababayang naiipit sa giyera sa Middle East?

Marami na ang nagpahiwatig ng kagustuhang umuwi ng Pilipinas, habang mas marami pa rin ang gustong manatili roon.

Sakaling matuloy ang ganitong kaguluhan doon, handa ba ang DMW at ang ating gobyerno na tulungan ang mga OFW at pamilya ng mga ito sakaling umuwi sila sa ating bansa?

Ilang OFWs sa United Arab Emirates at Qatar ang ating nakausap at sinabing hindi na nga raw sila masyadong nakatutulog dahil sa kaliwa’t kanang pagsabog. Takot na nga rin daw ang maliliit nilang mga anak dahil sa ingay mula sa nai-intercept na missiles sa himpapawid.

Nakabibilib nga ang kapabilidad ng mga bansang Qatar, UAE, Israel at Saudi Arabia sa kanilang pagharang sa himpapawid sa mga missile upang hindi ito sumabog sa lupa, kung saan maraming mamamayan ang mamamatay.

Napaisip tuloy ako kung kaya ng Pilipinas ang ganoong uri ng pag-intercept sa mga missile. Hindi ko naman ninanais na masaksihan pa kung kaya natin o hindi ang ganoong kapabilidad pero dapat ay magplano ang ating pamahalaan. Sakaling mangyari sa atin ang ganoon ay may kakayahan ba ang ating hukbong sandatahan?

Maswerte rin ang mga Pinoy na nasa Qatar, UAE at iba pang bansa sa Middle East dahil makabago ang mga gamit doon at tiyak na protektado sila ng estado.

1

Related posts

Leave a Comment