RAPIDO ni PATRICK TULFO
NASA balita ngayon lang ang pagkakaaresto sa isang 30-taong gulang na babae na suspek sa panloloko ng mga pulis, bumbero at ilang politiko, isa rito ay natangayan pa raw ng dalawampung milyong piso!
Nahikayat daw ng suspek ang mga biktima na mag-invest ng pera sa kanyang “Fuel Investment trading” kung saan kikita ng piso kada litro ang mga investor sa mabibiling fuel.
Sa Southern Tagalog daw nagsimula ang operasyon ng hindi pa pinangangalanang suspek, hanggang umabot na sa Metro Manila ang modus nito.
At katulad ng iba pang “investment scheme,” sa una ay nakababayad ang suspek sa mga investor nito.
Nagpaliwanag naman ito sa umarestong mga pulis sa kanya na tinangay rin daw ng isang tao ang pera na pambayad sana niya sa kanyang mga investor.
Pero teka ano ba ang mali sa ulat na ito? Nakapagtataka lang na karamihan ng mga biktima nito ay mga alagad ng batas.
Kataka-takang nakumbinsi ng suspek na maglagak ng pera ang mga ito nang hindi man lang inaalam kung lehitimo ba ang negosyo.
Pasintabi po, bato-bato sa langit ang tamaan ay ‘wag magagalit, ang sagot diyan ay ang pagiging ganid!
Nasilaw ang mga investor nito sa laki ng pera na kanilang kikitain kaya hindi na sila nagsagawa ng background check kung lehitimo ba ang negosyong kanilang pinasukan.
Masakit man sabihin pero alagad ka ng batas pero naloko ka ng isang manloloko na dapat ay hinahabol mo.
Pero kung nasilaw sa pera ang mga miyembro ng PNP at ng BFP, ano naman ang tawag sa mga politikong naging biktima nito? Tanga!
