MARAMI PA RING KAPOS ANG KITA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

BUMAGAL pa ang inflation nitong Abril sa 1.4 porsyento, ayon sa Philippine Statistics Authority.

Bahagyang mas mababa ito kumpara sa 1.8 porsyento noong Marso.

Ang mabagal na implasyon ay bunsod ng mabagal na paglobo ng presyo ng pagkain at pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo.

Bumaba na raw ang presyo ng bigas, gayundin ang mga gulay, isda, ibang seafood at iba pa.

Bumaba rin ang inflation ng transport, na ang isa sa mga pangunahing nag-ambag ay ang mas mabilis na pagbaba sa presyo ng gasolina.

Ngunit sa kabila ng pagbaba ng lahat nang ‘yan, tumaas naman ang inflation sa tubig, kuryente, housing gas, at ibang fuels. Dahil daw ito sa supply and demand. Ibig sabihin tumataas talaga ang mga ito dahil sa tag-init.

Pero sa pangkalahatan, ang mababang implasyon ay nangangahulugang gumagana ang mga polisiya ng pamahalaan na maibaba ang presyo ng mga kalakal.

Gobyerno ang bida gayung ang dami pa ring nahihirapang tustusan ang gastos.

Marami ang hindi sapat ang kinikita, marami rin ang walang kinikita o walang trabaho.

Pero, batay sa bagong Labor Force Survey ng PSA, bumaba sa 1.93 milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho para sa buwan ng Marso.

Mas mababa ito sa 1.94 milyon na naitala noong Pebrero.

Habang bumaba rin ang employment rate sa 96.1% ay tumaas naman ang underemployment sa 13.4 porsyento mula sa 10.1 percent.

Ayun, maraming may trabaho ang hindi sapat ang kinikita, hindi kuntento sa uri ng pinasukang trabaho kaya naghahanap ng iba pang pagkakakitaan o nais lumawig pa ang oras sa pagkayod.

Ito ay isa sa mga isyu na kinakaharap ng bansa kaya kailangan natin ang mga maglilingkod na may matibay na paninindigan sa naturang usapin.

Ang sikmura pa rin ang pangunahing senyal ng kahirapan sa bansa, kahirapan na mapagagaan, kahit bahagya, ng pagkakaroon ng trabaho.

Kaya mahalaga ang matalinong pagboto sa maayos at matinong kandidato dahil tayo rin ang nagbabayad sa katiwalian ng ibang nakaupo sa gobyerno.

May mga plataporma ang iba. May mga pangako, ngunit kapag naihalal na sa puwesto ay parang bulang naglalaho ang mga pangako.

‘Yung iba na walang plataporma ay inaaliw ang mga botante ng mga kakengkoyan, ng sayaw, harana at ibang gimik.

Huwag na kaya tayong dumaing at reklamo nang reklamo kung ‘yung mga walang saysay pa rin ang gustong iboto

59

Related posts

Leave a Comment