MGA SENADOR NAMUMULITIKA SA IMPEACHMENT NI VP SARA – SOLON

KUNG mayroong namumulitika sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte ay hindi ang mga congressman na nag-endorso sa reklamo kundi ang mga senador.

Reaksyon ito ni House deputy minority leader at ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio matapos pasaringan ng ilang senador ang Kamara ng “pamumulitika” matapos i-archive ang impeachment complaint laban sa Pangalawang Pangulo.

“Yan ang nakakagalit nga mga pahayag ng mga senador lalo na ang Senate president at saka yung mga susing tao sa debateng ito na pumusisyon para i-archive ang impeachment….sila ang malinaw na namumulitika,” ani Tinio sa isang panayam.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag bilang reaksyon sa sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi ito papayag na gamitin umano ng iba ang Senado bilang kanilang political playground.

Bukod dito, iminungkahi rin ni Sen. Imee Marcos sa Kamara na palitan na ang kanilang Speaker at tantanan na umano ng mga ito si Duterte habang sinabi naman ni Sen. Dante Marcoleta na “hilaw” ang impeachment case na isinampa ng Kamara.

Ayon kay Tinio, hindi pa patay ang impeachment case bagkus ay in-archive lamang ito ng 19 Senador, subalit nagbibitiw na ng mga salita ang mga ito pabor sa nasasakdal kaya ang mga ito aniya ang namumulitika.

Malinaw aniya sa saligang batas na ang mga senador ang tatayong hukom sa impeachment case kaya hindi dapat nagsasalita ang mga ito pabor sa nasasakdal habang hindi pa pinal ang ruling ng Korte Suprema.

Gayunpaman, sa ginawa aniya ng karamihan sa mga senador, mas pinaboran ng mga ito ang nasasakdal na si Duterte kaysa substansya ng kaso kaya maituturing umano na sila ang namumulitika.

(BERNARD TAGUINOD)

159

Related posts

Leave a Comment