NAGBIGAY linaw ang Manila Electric Company (Meralco) sa mga lumalabas na paghahambing sa singil nito sa kuryente kumpara sa mga electric cooperative (EC) sa bansa.
Ayon sa opisyal na pahayag ng kumpanya, malinaw ang malaking pagkakaiba sa operasyon, pinagmumulan ng kuryente, at kalidad ng serbisyong inihahatid kaya hindi puwedeng balewalain ang mga ito kung ikukumpara ang Meralco at mga EC.
Binigyang-diin ng Meralco na ang lahat ng singil nito ay dumaraan sa masusing pagsusuri, pag-apruba, at kumpirmasyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) para matiyak na makatarungan at makatwiran ang presyo para sa mga konsyumer.
Sa katunayan, isa umano sa pinakamababa sa bansa ang distribution charge ng Meralco, kabilang sa pinakamababang 30% ng lahat ng pribadong Distribution Utilities (PDUs) at EC. Maging ang Weighted Average Cost of Capital (WACC) nito ay pinakamababang itinalaga ng ERC sa lahat ng PDUs.
Tinuligsa rin ng Meralco ang panawagang dapat magkapantay ang kabuuang singil nito sa mga EC na hindi gumagamit ng gas-fired power plants. Ayon sa kumpanya, halos 50% ng kanilang kuryente ay mula sa gas-fired plants upang matugunan ang lumalaking demand at maiwasan ang mga Red at Yellow alert. Tugma ito sa sa polisiya ng pamahalaan para sa seguridad ng suplay ng kuryente.
Kung pagbabasehan ang lohika ng ilang kritiko, ayon sa Meralco, parang hinihiling din nila sa Kongreso na ipawalang-bisa ang bagong Natural Gas Law (RA No. 12120) at sa Department of Energy (DOE) na baliktarin ang 2023 Power Development Plan—isang malinaw na hadlang sa target ng bansa na maabot ang 35% renewable energy share pagsapit ng 2030 at 50% sa 2040.
Pinuna rin ng Meralco na hanggang ngayon ay hindi pa nagsasagawa ang National Electrification Administration (NEA) ng Competitive Selection Process (CSP) para ipatupad ang DOE Department Order No. DO2023-10-0022, na nag-aatas na unahin ang paggamit ng indigenous natural gas para sa power supply ng mga EC.
Mariin ding nilinaw ng kumpanya na ang anomang pagtaas sa kabuuang singil mula 2024 hanggang ngayon ay hindi dahil sa distribution charge o sa parte ng singil na napupunta sa Meralco mismo.
Iginiit ng kumpanya na ang pagkukumpara ng singil nito sa mga EC na may mas maliit na operasyon at mas limitadong pinagkukunan ng kuryente ay hindi lamang mali—kundi maling-maling batayan para husgahan ang kalidad at halaga ng serbisyo na inihahatid sa mga Pilipino.
244
