MGA TESTIGO NI VP SARA BINALAAN SA POSIBLENG PERJURY

BINALAAN ng Senate Impeachment Court ang mga susunod na testigo ng depensa ni Vice President Sara Duterte na maaari silang ma-cite in contempt kapag umiwas sa mga tanong ng mga senador-hukom, bukod pa sa posibleng pagsasampa ng kasong perjury kung mapatunayang nagsinungaling sa ilalim ng panunumpa.

Ginawa ng korte ang paalala matapos punahin ng ilang senator-judge ang malalabo at hindi tuwirang sagot ng unang testigo ng depensa na si Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin.

Sa pagbubukas ng ika-41 araw ng paglilitis, tinanong ni Senator-Judge Vicente Tito Sotto III kung anong parusa ang maaaring ipataw sa mga testigong magsisinungaling sa impeachment court.

Sinabi naman ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na may kapangyarihan ang korte na i-cite in contempt ang mga testigong hindi susunod sa mga patakaran nito. Maaari rin silang maharap sa hiwalay na kasong perjury kung may magsasampa ng reklamo sa kinauukulang tanggapan.

Nang humarap ang sumunod na testigo ng depensa na si Engr. John Kenneth Enumerables, pinaalalahanan siya ni Escudero na iwasang maulit ang naging asal ni Adalin sa kanyang pagtestigo.

Binigyang-diin naman ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson ang Senate Resolution No. 39, na pinagtibay noong Marso 2011 at nagbibigay sa impeachment court ng kapangyarihang mag-cite in contempt sa sinumang lalabag sa mga patakaran nito.

Pinuna rin ni Lacson ang pagngisi at pagtawa ni Adalin habang sumasagot sa mga tanong ng mga senador-hukom, na aniya ay tila hindi paggalang sa paglilitis.

Nauna nang nagsumite ang kampo ni Duterte ng listahan ng hindi bababa sa 24 na testigo na inaasahang ihaharap ng depensa sa impeachment trial.

(DANG SAMSON-GARCIA)

27

Related posts

Leave a Comment