PORK PRODUCERS NANAWAGANG IBALIK DATING TARIPA SA KARNENG BABOY

WELCOME pero kulang. Ito ang naging reaksyon ng mga grupo ng pork producers sa Department of Agriculture (DA) Department Order No. 33 na nagtatakda ng 60-araw na quantitative restriction sa importasyon ng pork cuts at pork offals.

Sa joint statement nitong Nobyembre 9, sinabi ng AGAP, PROPORK at Philippine Pork Council na mahalagang emergency measure ang naturang restriction, ngunit kailangan pa ng mas mabilis at mas matapang na hakbang upang maisalba ang lokal na industriya ng baboy.

Batay sa pagsusuri ng DA, maaaring umabot sa P100 bilyon ang pagkalugi ng lokal na industriya ngayong taon dahil sa pagbagsak ng farmgate prices dulot ng pagdagsa ng murang imported pork.

Tinatayang P250 milyon naman ang nalulugi araw-araw ng mga hog raiser matapos bumagsak ang presyo ng baboy sa ibaba ng production cost.

Dahil dito, hiniling ng mga grupo sa DA na agad ipatupad ang import restriction at imbestigahan ang mga nagmamadaling mag-apply ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) mula Oktubre 21 hanggang sa araw ng pagkakabisa ng kautusan.

Iminungkahi rin nilang palawigin ang restriction hanggang unang quarter ng 2027, dahil sapat umano ang suplay ng baboy para sa susunod na 92 hanggang 143 araw.

Bukod dito, hiniling nila ang pagbibigay ng direktang tulong sa mga lokal na magbababoy, kabilang ang subsidiya sa gastos sa transportasyon at feeds.

Nanawagan din ang grupo sa Department of Economy, Planning, and Development (DepDev) at Tariff Commission na ibalik ang dating taripa na 30 porsiyento at 40 porsyento mula sa kasalukuyang 15 porsyento at 25 porsyento.

Hiniling din nila ang agarang pag-apruba sa reclassification ng pork jowls mula sa offals tungo sa “good meat” upang tumaas ang taripa nito mula 10 porsyento patungong 40 porsyento.

Sa Bureau of Customs (BOC), hiniling ng mga pork producers ang mas mahigpit na inspeksiyon upang mapigilan ang smuggling, misdeclaration at misclassification ng mga inaangkat na produktong baboy.

Iminungkahi rin nilang i-update ang reference values upang labanan ang undervaluation at buwanang ilathala ang transaction values ng mga inaangkat na pork products batay sa bansang pinagmulan.

“Kailangan ang agarang pagbabalik ng orihinal na tariff rates para bigyan ng fighting chance ang local producers,” ayon sa grupo.

Nilagdaan ang pahayag nina PROPORK President Eric Harina, AGAP Chairman Nicanor M. Briones at Philippine Pork Council representative Fritz Chua.

(JULIET PACOT)

45

Related posts

Leave a Comment