TINIYAK ng Malacañang na sapat ang suplay ng tubig sa mga dam at iba pang pinagkukunan nito sa bansa sa kabila ng paghahanda ng pamahalaan sa posibleng epekto ng El Niño.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na patuloy ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga kinauukulang ahensiya na tiyakin ang kahandaan ng bansa sa posibleng tagtuyot.
Ayon kay Castro, bukod sa sapat na suplay ng pagkain at kuryente, nais din ng Pangulo na matiyak ang pagkakaroon ng sapat na tubig, partikular sa mga dam gaya ng Angat Dam.
Batay sa monitoring, nasa 208.70 metro ang water level ng Angat Dam, mas mataas sa minimum operating level nitong 180 metro.
Nasa normal high water level din ang iba pang dam sa bansa, kabilang ang Ipo, La Mesa, Magat, Pantabangan, San Roque, Ambuklao at Binga, batay sa tala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
(CHRISTIAN DALE)
45 