KINALAMPAG ni Senador Grace Poe ang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan sa listahan ng mga drayber at operator na bibigyan ng fuel subsidy sa gitna ng patuloy na paglobo ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.
Sinabi ni Poe na dahil sa makupad na pagtugon ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan, tuluyan nang naipit ang sektor ng transportasyon.
“Ilang drayber at operator ng public utility vehicles ang nakatakdang maglunsad ng malawakang transport strike kapag hindi natugunan ng pamahalaan ang problema sa patuloy na pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo,” ayon kay Poe.
Dahil dito, nanawagan si Poe sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at sa Department of Interior and Local Government (DILG) na magsumite ng kaukulang listahan ng fuel subsidy recipients at suriin ito.
Sa huling update, umabot lamang sa 250,000 mula sa 264,000 na dapat makatanggap ang nabigyan ng fuel subsidy, ayon sa senador.
“Pero, hindi pa nakapagsusumite ang DILG ng beripikadong listahan ng tricycle driver at operator. Kaya nakakadagdag alalahanin ito sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na nagsimula noong Enero habang nagpapahayag ang pamahalaan sa plano nitong mamamahagi ng fuel subsidy sa Pebrero. Halos kalahati ng taon ang lumipas nang walang silang nakukuhang tugon.
Umaasa tayo ng mas maagap na tugon mula sa pamahalaan,” giit ni Poe.
“Ipinaglaban natin ang kritikal na P2.5 bilyong fuel subsidy provision para sa PUVs sa badyet sa taong ito. Mariin nating isinulong na makapaglaan ng pondong maaaring magamit ng ating mga tsuper at PUV operator sa panahon ng krisis tulad ng kinakaharap nila ngayon,” patuloy niya. (ESTONG REYES)
183 