NAKAKUHA ng suporta sa Kamara si presidential daughter at vice presidential candidate Sara Duterte sa kanyang panukalang “military service” sa mga Pilipino pagtuntong ng mga ito sa edad 18-anyos.
“Military service for our youth is great for nation-building. Besides improving in a big way our national defense preparedness, military service will also instill in young Filipinos a deeper sense of duty to the country,” pahayag ni House Assistant Majority Leader Eduardo.
Magugunita na umani ng pagtutol ang panukala ni Duterte, running mate ni presidential aspirant Bongbong Marcos, mula sa mga militanteng grupo.
Subalit ayon kay Gullas, malaking bagay na magsilbi sa sandatahang lakas ang lahat ng mga Filipino pagtuntong ng mga ito sa edad 18-anyos, hindi lamang para sa bayan kundi sa kanilang sarili.
“Military service will likewise provide young Filipinos new life skills and reinforce their abilities to deal effectively with the demands and challenges of life,” ayon pa sa mambabatas.
Sa katunayan, mas maganda aniya ito kumpara sa mandatory military education and training program sa lahat ng mga estudyante sa Kolehiyo o ang Reserved Officer and Training Corps na nais ibalik ng Kongreso.
Naka-pending pa sa Kongreso ang nasabing panukala matapos tutulan ito ng mga estudyante.
Bukod dito, hindi lamang ang Pilipinas ang gagawa nito kung sakali dahil ang ibang bansa tulad ng Israel at South Korea ay matagal nang ipinatutupad na lahat ng kanilang mga kabataan ay inoobliga na magsilbi ng ilang taon sa kanilang sandatahang lakas. (BERNARD TAGUINOD)
