SULTAN KUDARAT – Walo katao ang patay habang 15 ang sugatan makaraang mawalan ng preno ang isang mini dump truck noong Miyerkoles ng hapon sa nasabing lalawigan.
Ayon sa Police Regional Office 12, dakong alas-5:20 ng hapon nang mangyari ang insidente habang sakay ang mga biktima sa mini dump truck patungong Cotabato City.
Habang tinatahak ng nasabing sasakyan ang Barangay Christianevo sa Bayan ng Lebak ay nagkaaberya ang preno sa pababang kurbada ng kalsada dahilan upang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver.
Bunsod nito, bumangga ang kanilang sasakyan sa concrete debris mula sa isang construction site hanggang sa tuluyang nahulog sa bangin.
Kaagad namang nagresponde ang mga rescuer sa pinangyarihan ng insidente at isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang mga biktima.
Nagpaabot naman ng pakikiramay at tulong ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng mga biktima.
(TOTO NABAJA)
