LAGUNA – Patay ang isang helper nang mabagsakan ito ng hook na nahulog mula sa kinakabitan nitong crane sa San Pedro City sa lalawigan.
Nangyari ang insidente sa isang compound malapit sa national highway sa Barangay Nueva dakong alas-4:00 ng umaga noong Miyerkoles.
Kinilala ng San Pedro City Police ang biktima sa pangalang “Billy Boy”, tubong Catanduanes.
Batay sa ulat ng pulisya, nangyari ang trahedya habang inaayos ng biktima ang lifting belt ng crane.
Ngunit biglang nahulog ang hook matapos maputol ang cable wire na nakakabit dito, at tumama ito sa ulo ng biktima na agad nitong ikinasawi.
Kaagad na nakipag-ugnayan ang mga awtoridad sa employer ng biktima para ipagbigay-alam ang insidente sa pamilya nito.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
(NILOU DEL CARMEN)
