CAVITE – Naaagnas na at halos ‘di na makilala ang bangkay ng isang law student ng isang kilalang unibersidad na unang iniulat na nawawala, nang matagpuang sa isang bakanteng lote sa bayan ng Naic sa lalawigan noong Sabado ng hapon.
Kinilala ng kanyang ama base sa suot nitong damit at mga kagamitan noong ideklarang nawawala, ang biktima na si Anthony Banayad Granada, 25, isang law student ng De La Salle University (DLSU) at residente ng Taguig City.
Una rito, nakita sa CCTV footage ang pag-alis ng biktima bandang alas-8:00 ng gabi noong Hunyo 8 sa Ridgewood Premier Condominium sa C5 sa Taguig City.
Sa isa pang CCTV footage, nakitang buhay ang biktima habang naglalakad sa Saluysoy Bridge sa Brgy. Sapa, Naic, Cavite bandang alas-9:40 ng gabi noong Hunyo 8 kasabay ng ulat na siya ay nawawala.
Ngunit noong Sabado, bandang ala-1:25 ng hapon, iniulat ng Naic Municipal Police Station ang natagpuang naaagnas nang bangkay ng isang lalaki sa isang bakanteng lote sa Brgy. Sapa, Naic, Cavite na pagmamay-ari ng MJRL Reality
Agad na nakipag-ugnayan ang pamilya sa mga awtoridad at kinilala ng ama ang biktima base suot nitong damit at kagamitan noong araw na ideklara itong nawawala.
(SIGFRED ADSUARA)
