CAVITE – Patong-patong na kaso ang kinahaharap ng isang dating miyembro ng Philippine Army (PA) makaraang maaresto dahil sa pagholdap sa isang pawnshop sa bayan ng General Mariano Alvarez (GMA) sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng hapon.
Sa bahay ng isa niyang kamag-anak nasundan ang suspek na si Michael Comutohan y Padilla, 47, dating miyembro ng PA, nagtatrabaho bilang VIP security, at residente ng Brgy. Milagrosa, Carmona, Cavite.
Ayon sa ulat, dakong alas-12:30 ng hapon nang pasukin ng suspek ang RD Pawnshop sa Brgy. Gabriel GMA, Cavite at nagdeklara ng holdap.
Tinangay ng suspek ang mahigit P16,000 cash at isang unit ng cellular phone at saka lumabas na tila walang nangyari.
Batay sa isinagawang backtracking ng pulisya sa Close Circuit Television (CCTV), nakita ang suspek na lumabas ng pawnshop at sumakay sa isang pampasaherong jeep at bumaba sa harapan ng Petron Gasoline Station.
Muling sumakay ng tricycle ang suspek patungo sa kanyang kamag-anak sa Alta Tierra Homes, Brgy. Olaes, GMA, Cavite kung saan siya naaresto sa follow-up operation dakong alas-5:30 ng hapon noong Miyerkoles. (SIGFRED ADSUARA)
