MOA SA PAGLILIPAT NG 14 SCHOOLS SA TAGUIG, ISYU PA RIN KAY MAYOR ABBY

GINAGAMIT ni Mayor Abby Binay bilang isyung pulitikal ang paglilipat ng 14 paaralan mula sa Makati City tungo sa Taguig City kahit nalutas ang sigalot sa pamamagitan ng nilagdaang nitong memorandum of agreement (MOA) sa Department of Education (DepEd).

Bukod dito ang desisyon ng Supreme Court na naglilipat sa 10 EMBO Barangay na kinatatayuan ng 14 na paaralan, sa hurisdiksyon ng Taguig City mula sa Makati City. Napansin sa kampanya ni Mayor Binay sa CEMBO kamakailan, inungkat nito ang isyu sa14 public schools na hindi nito ipinasara ang paaralan dahil “nakakaawa” ang mga residente na nag-aaral dito.

Aniya sa entablado bago ipakilala si Rep. Pammy Zamora, sakaling manalo sa Senado, kanyang dadalhin ang isyu sa Mataas na Kapulungan upang ilaban ang Makati City.

“So, marami po akong simbahan na pinagsindihan ng kandila, marami po tayong kinausap .. na kaya tayo ay nagdesisyon na tumakbo sa Senado dahil dadalhin natin ang laban sa Senado,” aniya.

Partikular na tinutukoy ni Binay ang 14 na pampublikong paaralan na inilipat sa Taguig City sa pamamagitan ng desisyon ng Supreme Court at memorandum of agreement (MOA) na kanya mismong nilagdaan upang maging maayos at mapayapa ang transisyon.

“Kaya iyong sa eskuwelahan, wala naman akong choice, doon nag-aaral mga anak nyo kung ipapasara ko alam nyo ba doon sa kahit singkong duling, wala pa silang binabayad, ginagamit nila yung eskwelahan nang libre.

Nagpapasalamat ba sila, di ba hindi, sinisiraan pa nga ako eh, mas lalo akong gumaganda kapag sinisiraan nila ako, di ba,” ayon kay Mayor Binay na tumatakbong senador sa ilalim ng Alyansa ng administrasyong Marcos.

Ngunit, kamakailan, inihayag ng Department of Education na isinailalim na sa hurisdiksyon ng Taguig City at Pateros ang 14 na public school sa 10 EMBO areas na nasalang sa sigalot sa pagitan ng Makati at naturang lungsod.

Matatandaan na inihayag ni noo’y DepEd spokesperson Michael Poa na sumailalim sa “orderly transition” ang apektadong paaralan base sa MOA na nilagdaan ni Mayor Abby Binay, Taguig City Mayor Lani Cayetano at DepEd.

Kabilang sa 14 pampublikong paaralan na nasa hurisdiksyon ng Taguig-Pateros ang Makati Science High School, Fort Bonifacio High School, Benigno “Ninoy” S. Aquino High School, Tibagan High School, Pitogo High School, Comembo Elementary School, Rizal Elementary School, Pembo Elementary School, Fort Bonifacio Elementary School, Pitogo Elementary School, Cembo Elementary School, East Rembo Elementary School, West Rembo Elementary School at South Cembo Elementary School.

“A memorandum of agreement was signed by Vice President and Education Secretary Sara Duterte, Taguig City Mayor Lani Cayetano and Makati City Mayor Abby Binay on the full transition of the schools’ operations from Makati to Taguig,” ayon kay Poa.

“While there are still specific issues and appeals that shall be left to the final determination of the proper authorities, the transition has been finally concluded through the collective resolve of the parties in ensuring the unhampered delivery of basic education services,” dagdag ng statement ng DepEd.

Samantala, ipinahayag naman ng Department of Health na kanilang aayusin ang gusot sa pamamahala ng health center na dating sakop ng Makati City na inilipat sa Taguig.

Naunang ipinasara ni Binay ang health centers at lying-in clinics sa 10 EMBO. Kahit isinara ni Binay ang health center sa EMBO areas, binuksan naman ng Taguig ang telemedicine facility nito at tinukoy ang ilang health center ng lungsod bilang catchment centers para sa pasyente ng EMBO barangay na nangangailangan ng agarang tulong-medikal.

37

Related posts

Leave a Comment