MOST WANTED NA CULT LEADER ARESTADO SA NCRPO

NAGWAKAS ang walong taong pagtatago ng tinaguriang “Supreme Master” ng Philippine Benevolent Missionaries matapos itong masukol ng mga operatiba ng National Capital Region
Police Office (NCRPO), alas-4:30 ng umaga kanina sa Diamond Subd., Balibago, Angeles, Pampanga.

Si dating Congressman Ruben Ecleo at kanyang driver na si Benjie Relacion Fernan, a.k.a. “Smile” ay nadakip sa ikinasang operasyon ng tropa ni Col. Randy Glenn G. Silvio, officer-in-charge ng NCRPO Regional Mobile Force Battalion.
Nakuha sa mga suspek ang isang Toyota Grandia, mahgit P170,000 cash, fake IDs at alahas.

Sa report ni NCRPO Director MGen Debold Sinas kay PNP Chief PGen. Archie Francisco Gamboa, ang pag-aresto kay Ecleo ay batay sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Sec 3 (e) of RA
3019 “Anti-Graft and Corrupt Practices Act” na inisyu ng 1st Division Sandiganbayan.

Si Ecleo ang number 1 sa most wanted reward list ng DILG na may patong na P2 milyong piso para sa kanyang ikadarakip.

Taong 2012, sinentensyahan si Ecleo ng life imprisonment dahil sa pagpatay sa asawang si Alona Bacolod Ecleo sa Cebu City noong 2002. Sa record ng korte, sinakal si Alona saka itinapon sa kagubatan at natagpuan makalipas ang tatlong araw.

Pinagbabayad si Ecleo ng Php 25 million in compensatory damages sa pamilya ng kanyang asawa.

Bukod dito, nahatulan din ang dating kongresista sa kasong graft nuong 2006 dahil sa maanomalyang construction ng pamilihang bayan at town hall at repairs ng gusali ng kanyang kulto
sa San Jose, Dinagat Islands noong manilbihan itong alkalde ng nasabing bayan. (JESSE KABEL)

249

Related posts

Leave a Comment