MOSYON NINA RESSA AT SANTOS IBINASURA NG MANILA RTC

NABIGO ang kampo nina Maria Angelita Ressa, Reynaldo Santos Jr., at ng Rappler Incorporated sa hiling na balewalain at baligtarin ang desisyon ng korte nitong nakaraang Hunyo 15 kaugnay sa
kasong cyber libel na isinampa ng negosyanteng si Wilfredo Keng.

Ito ay matapos ibasura ng Manila Regional Trial Court Branch 46 ang motion for partial reconsideration na inihain ng mga nabanggit na personalidad.

Kawalan ng merito sa kanilang inihaing mosyon ang pinagbasehan ng kautusan ni Judge Rainelda Estacio Montesa ng RTC Branch 46.

Nanindigan ang hukom sa kanyang desisyon na nagkaroon ng republication  at ang prescription ay hindi pa napapaso sa inilathalang artikulo laban kay Keng noong 2012.

Ayon pa kay Judge Montessa, alinsunod na rin sa ruling ng Supreme Court, ang cyber libel provision ay constitutional.

Una nang hinatulan ng korte sina Ressa at Santos ng minimum na anim na buwan at 1 araw hanggang maximum na 6 taong pagkabilanggo.

Inatasan din silang magbayad ng tig-P200,000 para sa moral damages at P200,000 exemplary damages kay Keng sa sandaling maging pinal na ang hatol ng korte.

Ang mga akusado ay nananatiling nakalalaya sa bisa ng piyansa hanggang hindi nagkakaroon ng pinal na desisyon ang Supreme Court. (RENE CRISOSTOMO)

210

Related posts

Leave a Comment