TINATALAKAY na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang posibleng pagbabalik ng motorcycle lane sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA).
Sa isang panayam, sinabi ni MMDA chairman Romando Artes na pinag-uusapan na nila kung saan ipu-puwesto ang motorcycle lane sa mga pangunahing lansangan.
“Sa mga motor naman, pinag-uusapan namin kung dapat nang ibalik at i-implementa muli ‘yung ating motorcycle lanes, at if ever saan sila ipu-pwesto nang tama na hindi sila mahihirapan at makakaiwas din po tayo sa mga aksidente,” ayon kay Artes.
Ani Artes, makatutulong ang motorcycle lane sa mga motorista lalo pa’t ang bulto ng road accidents ay kinasasangkutan ng mga motorsiklo.
Ang motorcycle lane sa kahabaan ng EDSA ay dating matatagpuan sa second lane mula sa kaliwa.
Gayunman, malaya ang mga motorsiklo mula sa “weaving in and out” ng natitirang lanes matapos na ang “leftmost lane” ay maging EDSA busway noong 2020.
Samantala, sinabi ni Artes na kaunti lamang ang sasakyan sa EDSA noong unang araw ng Alert Level 1 sa Kalakhang Maynila subalit maaari aniyang hindi ito accurate o tama dahil unang araw pa lamang naman ng pinakamababang COVID-19 alert level. (CHRISTIAN DALE)
208 