MARAPAT na hakbang ang pormal na pag-isyu ng memorandum na nagsususpinde sa mandatory vehicle inspection ng Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs), ayon kay Sen. Grace Poe.
Inaasahan ni Poe na ang implementasyon ng naturang memo ay magpapahupa sa kalituhan ng mga vehicle owner at motorista sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
“Bibigyan nito ng katiyakan ang mga vehicle owner at motoristang pumili ng mas maginhawang posisyon sa gitna ng sala-salabid na hamon ng pandemya,” sabi ni Poe, chairperson ng Senate committee on public services.
Ang naturang memo ay inisyu ng Land Transportation Office (LTO) bilang tugon sa panawagan ng senadora sa gitna ng pagdinig ng Senate finance subcommittee noong Lunes.
Sa Oct. 25 memo, nakasaad na ang PMVIC inspection ay “opsiyonal” at ang PMVIC inspection o PETC (Private Emission Testing Center) result kasama ng LTO inspection ay dapat kilalanin at ikonsidera sa proseso ng pag-renew ng vehicle registration.
Nauna nang sinabi ni LTO chief Edgar Galvante na ginawa niya ang direktiba na ang PMVICs ay hindi na mandatory o sapilitan sa mga regional director sa pamamagitan ng Viber.
Noong Lunes, sinita ni Poe ang LTO sa gitna ng kawalan nito ng pormal na memorandum tungkol sa pananatiling opsyonal at hindi mandatory ng pag-iinspeksyon ng mga PMVIC na nagdulot ng kalituhan at kaguluhan sa mga motorista sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Umaasa tayong ang memo na ito ay magtatakda ng standard policy na susundin ng lahat sa buong bansa,” pagdidiin ni Poe.
“Mas mainam na laging pakinggan ang boses ng ating mga kababayang higit na nakakaalam ng totoong sitwasyon,” dagdag ni Poe.
Paglilinaw ng senadora, ang periodic technical inspection ng mga sasakyan ay nararapat para matiyak ang kaligtasan sa lansangan. Subalit kailangan din muna ng pagtatakda ng mga patas at malinaw na guideline—kabilang ang pagpataw ng makatwirang fee, qualification at accessibility—ayon sa pamantayan ng due process at transparency bilang pagbibigay konsiderasyon sa mga apektadong mamamayan. (ESTONG REYES)
184 