QUEZON – Patay ang isang binata habang isa ang sugatan nang sumalpok ang isang motorsiklo sa isang truck sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Camohaguin sa bayan ng Gumaca sa lalawigan noong Sabado ng hapon.
Kinilala ang nasawing driver ng motorsiklo sa pangalang “Ian”, 27-taong gulang, residente ng Brgy. Villa Bota, Gumaca, Quezon.
Ayon sa imbestigasyon ng Gumaca Municipal Police Station, nangyari ang insidente dakong alas-4:00 ng hapon nang biglang huminto ang nasa unahan ng motorsiklo na isang close van truck, sa kanang bahagi ng kalsada upang kumaliwa papasok sa isang compound.
Hindi agad nakapagpreno ang rider sa kanyang sinasakyan na Yamaha NMax motorcycle kaya’t sumalpok ito sa likod ng truck.
Matinding napinsala ang rider na binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Gumaca District Hospital.
Sugatan din ang 38-taong gulang na sakay ng closed van truck na isinugod din sa nasabing ospital.
Ikinustodiya ng Gumaca Police ang driver ng van habang iniimbestigahan pa ang insidente.
(NILOU DEL CARMEN)
