MOVE ON NA

At Your Service Ni Ka Francis

PANAHON na para mag-focus ang mga elected official natin sa mga gawain nila na direktang may kinalaman sa sikmura ng mga ordinaryong Pilipino.

Hindi uusad ang Pilipinas kung puro pamumulitika ang ginagawa ng ating mga elected official, naglabas na ng desisyon ang Korte Suprema na “unconstitutional” ang impeachment laban kay Vice President Inday Sara Duterte.

Sa pagkakaalam natin, ang dahilan ng paglalabas ng Korte Suprema ng ruling na labag sa Saligang Batas o “Unconstitutional” ang impeachment laban kay VP Sara, ay apat na impeachment case ang inihain ng mga complainant sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa loob lamang ng isang taon.

Noon pa man ay kinuwestiyon na ng Senado ang legalidad ng impeachment laban kay VP Sara kaya ipinabalik nila ito sa Kamara.

Ibig sabihin, iisa ang paniniwala ng Senado at ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang nasabing impeachment.

Ngayon hindi pa rin nakuntento ang Kamara, balak pa rin nilang umapela. Tama na, sobra na! Magtrabaho na kayo para naman sa kapakanan ng mga Pilipino.

Sa totoo lang, wala namang pakinabang ang mga ordinaryong mamamayan sa impeachment na ‘yan. Isang uri lang ng pamumulitika ‘yan, mas makabubuti na hintayin na lang ninyo ang 2028 presidential election at labanan n’yo si VP Sara sa pagtakbo niya sa pagkapangulo.

Kung paniniwalaan kayo ng taumbayan, kayo ang mananalo at mapipilitan nang bumaba si Inday Sara sa kanyang pwesto.

Mahirap kasi na pilitin n’yong pababain si VP Sara sa pamamagitan ng impeachment na labag naman sa Saligang Batas.

Mas maraming mahahalagang mga bagay na dapat n’yong ayusin, nariyan ang problema sa napakaraming mga Pilipino na naapektuhan ng nakaraang Bagyong Crising at Habagat.

May mga nagbuwis ng buhay, nawalan ng kabuhayan, nawalan ng tirahan at ang matinding pagbaha na maging ang National Capital Region (NCR) ay apektado rin.

Sa lalaki ng inyong mga budget, mas makabubuti siguro na mag-ambag-ambag na lang kayo para matulungan n’yo ang mga nasalanta ng bagyo at habagat. Mas matutuwa pa sa inyo ang taumbayan kaysa puro pamumulitika ang inyong ginagawa tulad ng impeachment na ‘yan.

Tulad n’yan, patuloy na naalarma ang Department of Health (DOH) dahil sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng dengue sa bansa sa buwan ng Hunyo.

Nakapagtala ang DOH ng umabot sa 10,733 mga kaso ng dengue mula June 15 hanggang 28.

Mas mataas ito kumpara sa 8,233 kaso na naitala sa unang dalawang linggo ng parehong buwan noong nakaraang taon.

Inaasahan na lalo pa itong tataas dahil sa patuloy na pag-ulan at pagbaha nitong nakaraang mga linggo.

Nanawagan na rin ang ahensiya sa publiko na sundin ang kanilang “4Ts” campaign — Taob, Taktak, Tuyo, Takip — upang maiwasan ang pamumugad ng mga lamok sa loob at paligid ng bahay.

Kaya kayong mga kongresista, move on na, focus na sa mas mahahalagang bagay, ‘wag puro pamumulitika.

May dagdag pogi points sa inyo kung totoong nakatutulong kayo sa inyong constituents.

oOo

Binabati pala natin ang ika-111 anibersaryo ang Iglesia ni Cristo (INC) noong nakaraang July 27, 2025. Mabuhay ang kapatiran!

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

112

Related posts

Leave a Comment