NAKAPAGTALA ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) ng anim na aktibong kaso ng COVID-19 sa mga tauhan nito.
Bunsod nito, muling naghigpit si P/BGen. Francisco “Paco” Francisco, District Director ng MPD, sa kanyang mga tauhan at pinayuhang mag-ingat at sumailalim sa swab test.
Ayon sa report ng MPD Public Information Office, noong Hulyo 28 ay umabot na sa 892 ang kabuuang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa distrito kung saan 881 ang nakarekober na at lima ang binawian ng buhay.
Pawang mga police non-commissioned officer (PNCO) ang mga aktibong kaso. Tatlo rito ay mula sa Delpan Police Station 12, isa sa Baseco Police Station 13, isa sa Sta. Ana Police Station 6 at isa mula sa District Mobile Force Battalion.
Dahil dito at sa banta ng Delta variant, sinabi ni MPD-PIO chief, P/Capt. Phillip Ines, muli silang maghihigpit sa ipinatutupad na minimum health standard protocols. (RENE CRISOSTOMO)
