SA nalalapit na pag-upo bilang bagong Mayor ng Maynila ay napakaraming mga problema ang kailangang harapin at ayusin itong si Isko Moreno. Matagal ding panahon na nasalaula ang Lungsod ng Maynila kung kaya’t ito ay napag-iwanan na ng ibang mga lungsod.
At kung gusto ni Isko na manatili ang tiwala ng mga Manileño sa kanya ay kailangan niyang ipamalas ang kanyang galing at katapatan bilang isang pinuno ng bayan. Kinakailangan niyang burahin ang lahat ng bahid ng mga kapalpakan at kabaluktutan ng pamunuan na kanyang pinalitan.
Halimbawa ay itong Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na nasa ilalim ng Mayor’s Office. Hindi lang simpleng reorganization ang kinakailangan sa opisinang ito kundi total overhaul. Baka nga pati pangalan ay kailangang palitan na rin.
Magmula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas na empleyado ng naturang opisina ay kinakailangang tanggalin muna upang isailalim sa mas masinsin na pagsusuri sa kanilang kwalipikasyon, integridad at katapatan.
Kinakailangang imbestigahan din ang MTPB chief dahil maraming isyu itong kinakaharap.
Magmula noong naging Mayor si Joseph Estrada ay nagkaroon ng mga isyu ang MTPB. Dito nauso ang mga stoplight na biglang pumupula at mga imbentong traffic violation gaya ng swerving. Dito nauso ang mga kuliglig at mga pedicab na walang pakundangang mag-counter flow sa kahabaan ng Vito Cruz sa Malate.
Sana lang ay unahin itong pagtuunan ng pansin ni Mayor Isko. Kailangan niyang durugin ang simbolo ng kabuktutan sa kanyang lungsod nang sa ganoon ay mas magiging buo ang paniniwala ng mga Manileño na tama ang ginawa nilang pagsuporta sa tunay na Batang Maynila. (Bagwis /GIL BUGAOISAN)
148