NAIS ipa-drug test ni Interior Secretary Jonvic Remulla si Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Harold Respicio kaugnay ng umano’y hindi angkop na asal nito sa isang municipal forum.
“Gusto ko ipa-drug test muna. Tingin ko talaga ay adik eh,” ani Remulla.
Ayon kay Remulla, ngayon lamang siya nakakita ng isang public official na sumigaw sa kanyang mga nasasakupan.
“Kasi ngayon lang ako nakakita ng vice mayor na kung manigaw gano’n eh, di ba. Parang nakasinghot kung umasta eh,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Remulla na tila wala sa sarili si Respicio batay sa kanyang ikinilos.
“Papa-drug test ko muna, parang wala sa sarili eh,” ani Remulla.
Una nang pinuna ni Remulla ang asal ni Respicio, na tinawag niyang “inexcusable behavior.”
Nagkaroon ng mainit na palitan ng argumento ang ilang barangay officials sa isinagawang municipal forum kaugnay ng umano’y maanomalyang paggamit ng ₱66 milyong tobacco excise tax funds.
Kumalat ang video ng insidente na naganap noong Oktubre 5, kung saan makikitang nagsisigawan ang ilang public officials.
Tumaas ang tensyon nang tanungin ni Respicio ang barangay chairperson ng Sinippil tungkol sa isang proyektong nagkakahalaga ng ₱5 milyon.
Iginiit ni Respicio na dapat mapunta sa tobacco farmers ang tobacco excise tax allocation alinsunod sa government guidelines.
“Magnanakaw,” ang paulit-ulit na sinabi ni Respicio sa barangay chairperson.
Gumanti naman ang barangay official at iginiit na hindi umano ginagampanan ni Respicio nang maayos ang kanyang tungkulin bilang vice mayor ngunit patuloy itong tumatanggap ng suweldo.
Agad namang inawat ng mga pulis ang dalawang opisyal bago ipinagpatuloy ang forum.
Respicio, nagpa-drug test
Kaugnay nito, sinabi ni Respicio na nagpa-drug test siya matapos ang pahayag ni Remulla.
Sa phone interview ng mga reporter sa Camp Crame, sinabi ni Respicio na agad siyang nagtungo sa isang pribadong ospital sa Quezon City upang magpa-drug test.
Ayon sa vice mayor, isinailalim niya ang sarili sa intensive drug testing na binubuo ng qualitative test, na may resulta sa loob ng 15 minuto, at quantitative test, na inaasahang lalabas ang resulta makalipas ang dalawang oras.
Pabirong sinabi ni Respicio na dapat siyang i-refund ni Remulla sa halagang P28,000 na ginastos niya sa pagsusuri.
Kung bibigyan siya ng show-cause order, sinabi ni Respicio na handa siyang sumagot.
Gayunman, hiniling din niyang papanagutin ang mga taong inaakusahan niyang nagnakaw at nangha-harass umano sa tobacco farmers sa kanilang bayan.
(TOTO NABAJA)
123 