POSIBLENG bilang panustos sa 2028 presidential campaign ni Vice President Sara Duterte ang milyon-milyong pisong ipinadalang pondo mula China sa Cale88 Foods Corp., kompanyang dating iniuugnay sa kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio, ayon kay House prosecution adviser and spokesperson Ace Barbers.
Kasabay nito, nanawagan si Barbers ng imbestigasyon upang matukoy kung sino ang tunay na nakinabang sa kabuuang P319.3 milyong remittance na natanggap ng Cale88 mula sa mainland China at Hong Kong.
“Hindi rin mawawala sa isipan natin na ito ay maaaring pinansyal na suporta sa pagtakbo ng ating pangalawang pangulo. O hindi kaya, eh kasama sa pagpondo ng mga political propaganda, o hindi kaya ay political machinery ng ating Pangalawang Pangulo,” ani Barbers.
Gayunman, wala pang ebidensyang nagpapatunay na ginamit ang mga remittance sa political activities ni Duterte. Iniharap ng House prosecution ang mga transaksyon bilang bahagi ng pagsusuri nito sa financial at business records na may kaugnayan sa Bise Presidente.
“Kung natatandaan natin, unang nagpahayag na may interes tumakbo bilang pangulo sa 2028 si Vice President Sara Duterte,” sabi ni Barbers.
Pormal na ipinahayag ni Duterte noong Pebrero 2026 ang kanyang intensyong tumakbo sa pagkapangulo.
P319.3-M China Remittance
Kinumpirma ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nakatanggap ang Cale88 ng kabuuang P319,326,770.41 na inward remittance mula sa mainland China at Hong Kong.
Humigit-kumulang P315.94 milyon ang nagmula sa mainland China, habang P3.39 milyon naman ang mula sa Hong Kong.
Ang mga transaksyong ito ay kabilang sa covered transaction reports at suspicious transaction reports na iniharap sa impeachment trial.
Batay sa corporate records na iprinisinta sa paglilitis, naging incorporator, director at shareholder ng Cale88 si Carpio mula 2021 hanggang 2024. Umabot sa 47.5% ang kanyang shares sa kumpanya noong 2024 bago siya nag-divest noong 2025.
Hindi nakalista si Duterte bilang shareholder ng Cale88, ngunit idineklara niya ang kompanya sa kanyang 2025 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Ayon kay Barbers, kabilang sa mga dapat sagutin sa imbestigasyon ay kung bakit sa kompanyang iniuugnay kay Carpio pumapasok ang malaking halaga ng pera at kung saan ito ginagamit.
Binanggit din niya ang salaysay ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na limitado umano ang operasyon ng Cale88 ngunit malalaki ang pumapasok na foreign remittances.
Pahayag ng China
Samantala, itinanggi ng Chinese Embassy ang mga alegasyong ginagamit ang China upang magpasok ng pondo sa isang partikular na paksyon sa pulitika sa Pilipinas.
“We urge the relevant individuals in the Philippines to stop political manipulation and not to drag Philippine domestic politics into China-Philippines relations,” pahayag ni Chinese Embassy Spokesperson Ji Ling Peng.
Ang pahayag ay kasunod ng alegasyon ni Trillanes na nakatanggap umano si Duterte ng higit P400 milyon na cash mula China.
Ayon kay Ji, ang naturang alegasyon ay isang “false narrative fabricated and spread by certain Philippine politicians concerning China.”
Ikinalungkot din umano niya ang pagkakaugnay ng website ng Chinese Embassy sa umano’y redirect destination na ginagamit sa naturang mga alegasyon.
NSC, DND humingi ng imbestigasyon
Kaugnay nito, hiniling ng National Security Council (NSC) at Department of National Defense (DND) ang masusing imbestigasyon sa mga alegasyon.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines spokesperson for the West Philippine Sea Rear Adm. (ret.) Roy Vincent Trinidad, binigyang-diin nina Defense Secretary Gilberto Teodoro at National Security Adviser na kung mapatutunayan ang alegasyon, maaari itong magkaroon ng seryosong implikasyon sa national security.
“So, importante, maliwanagan natin ang ating mga kababayan. Foreign funding, wala tayong problema doon. But pag ito ay pumapasok to create trouble in our country, it will have national security implications,” ani Trinidad.
(Ulat nina TINA MENDOZA at VERLIN RUIZ)
82 