MULTI-BILYONG PISO DEKWAT SA ONLINE GAMING

FOR THE FLAG

Bilyun-bilyong piso na ang nawawala sa bansa, sa usapin ng online gaming pa lang.

Ito ay mga walang permit o business license mula sa pamahalaan, partikular na ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Mayroong isang kompanya ang naiulat sa akin ng isang confidential informant na nag-operate noon sa Siyudad ng Makati, diyan sa Chino Roces Avenue, na kunwa ay isang call center, ngunit isang gaming operation pala.

Ang kanilang operation ay nagpatuloy sa tulong na rin ng ilang opisyal ng lokal na pamahalaan umano, ngunit nang itinaas nila ang kanilang hinihingi sa ilegal na pasugalan sa P30 milyon ay nagpasyang lumipat ang nasabing online gaming set-up sa Lalawigan ng Bataan, kung saan naman ay kunwang online encoding company ito, o transcription firm.

Ang siste, ang mga empleyadong Filipino na kunwari ay encoder, ay nagsisilbi talagang  bank teller na siyang nagma-manage ng accounts ng foreign players o manunugal.

Ang kliyente ng mga ito ay mga naka-base sa Indonesia kaya naman bukod sa mga Filipinong kawani, mayroon ding mga Indonesia na employed ang kompanya na siyang nakikipag-usap sa Indonesian players sa local language nila.

Ang mga Filipino ang humahawak ng account ng Indonesian players, sila ang nagpa-facilitate at nagpoproseso ng pagde-deposit ng players sa kanilang pondong ipanlalaro at sila rin ang nagpa-facilitate kapag magwi-withdraw na ang player.

Bukod sa pagiging teller, ang mga Filipinong kawani ay nagsisilbi ring dummy players upang akalain ng Indonesian players na marami ang naglalaro.

Kaya may dummy accounts na hawak ang mga Filipinong kawani na kanilang ipinanlalaro kahit pa nga hindi nila ito naiintindihan. Ang mga sikat na mga laro sa kanilang gaming operation umano ay ang Bonanza, Dermaga, Taipa at Tangkas.

Bawat Filipinong kawani na processor ay may dumaraan sa kanyang salapi na umaabot ng P500,000 kada araw, ibig sabihin ‘yan ang pumapasok sa kanilang online casino, sa isang account officer pa lamang ‘yan o bet processor. Kaya sa 30 na mga Filipinong processor o account officer, nasa P15 milyon kada araw ang pumapasok sa kanilang ilegal na kompanya.

Ang naka-front na boss sa kanilang operation umano ay isang alyas Yuli Yanto. (For the Flag /  ED CORDEVILLA)

288

Related posts

Leave a Comment