KASABAY ng muling pagtaas ng bilang ng mga positibong kaso ng COVID-19 kada araw sa bansa ay ang mas matinding pagsusumikap ng pamahalaan at ng pribadong sektor sa pagkontrol ng pagkalat ng nasabing virus. Sanib pwersa ang mga ito sa pagharap sa hamon ng pandemyang COVID-19 sa ating bansa at sa pagsalba sa ating ekonomiya.
Isa ang MVP Group sa mga miyembro ng pribadong sektor na nangunguna sa pakikipagtulungan sa pamahalaan sa laban kontra sa pandemyang ito. Ang mga kumpanyang pinamumunuan ng negosyante at pilantropong si Manny V. Pangilinan ay tulung-tulong sa pagpapakita ng suporta sa pamahalaan.
Ang MetroPac Movers, Inc. (MMI), ang kompanya ng MVP Group na nangangasiwa sa logistics, ang kasalukuyang nangangalaga sa mga dosis ng bakunang pumasok sa bansa. Ang 487,200 na dosis ng bakuna ng AstraZeneca at ang 600,000 na dosis ng bakuna ng Sinovac ay pinangangalagaan sa pasilidad ng MMI sa Marikina.
Bukod dito, ipinakita rin ng MMI ang dedikasyon nito sa pagsuporta sa pamahalaan sa pamamagitan ng 24/7 na operasyon ng mga warehouse nito upang masiguro ang tuluy-tuloy at hindi maaantalang paggalaw ng mga pangunahing produkto na kailangan ng mga mamamayan ngayong panahon ng pandemya.
Samantala, ang Meralco naman ay patuloy sa pagpapailaw ng mga pasilidad na ginagamit sa laban kontra COVID-19. Sa katunayan, kamakailan ay pinailawan nito ang bagong vaccination center sa Parang, Marikina City. Sa kasalukuyan, umabot na sa higit sa 90 ang bilang ng mga pasilidad na pinailawan ng Meralco. Ilan dito ay mga ahensya ng pamahalaan, pribado at pang-publikong ospital, mga laboratoryong ginagamit sa testing, pasilidad para sa mga kailangan mag-quarantine, vaccination center, at mga treatment center.
Ang mga pasilidad na ito ay binibigyan ng mataas na prayoridad na mabigyan ng sapat, ligtas, at maayos na supply ng koryente.
Nagpakita rin ng suporta sa programa ukol sa pagpapabakuna ang Metro Pacific Hospitals, Inc. (MPHHI) na kabilang din sa MVP Group.
Nakisama ito sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagbabakuna sa mga empleyado nito.
Sa kasalukuyan, nasa higit 13,000 na ang bilang ng empleyadong nabakunahan ng Metro Pacific Hospital group. Ang mga malalaking ospital na pinangangasiwaan ng MPHHI – Makati Medical Center, Asian Hospital and Medical Center, at Cardinal Santos Medical Center – ay nakapagtala na rin ng mataas na bilang ng mga empleyadong nabakunahan.
“We are the largest private hospital group in the Philippines, and it’s important for us to help the country’s vaccination drive as much as we can. And that begins with getting our hospital workers inoculated,” pahayag ni Chairman Manuel V. Pangilinan.
Kasalukuyan ding isinasaayos ng PLDT ang plano nitong maglunsad ng digital na plataporma para sa mga ospital upang masiguro na mayroon itong iba’t ibang platapormang magagamit para sa pagbibigay ng serbisyo sa mga pasyente at ibang customer nito. Ayon sa kompanya, nasa huling bahagi na sila ng proyekto.
Ang Maynilad naman ay sinisiguro ang sapat at maayos na supply ng tubig sa mga pasilidad na kritikal sa laban kontra COVID-19. Naglagay din ito ng mga contactless handwash station sa mga ospital upang mahikayat ang mga tao dito ukol sa madalas na paghuhugas ng kamay.
Ilan lamang ito sa mga hakbang na ginagawa ng pribadong sektor, partikular na ang MVP Group, upang matulungan ang pamahalaan sa laban kontra COVID-19. Bagamat napakalaking bagay ang pagtutulungan ng pamahalaan at ng pribadong sektor, hindi magtatagumpay ang mga ito kung hindi natin gagawin ang ating papel bilang mamamayan sa laban kontra sa pandemyang ito. Kung ang bawat isa sa atin ay matututong sumunod ng maayos sa mga protokol ng pamahalaan, tiyak na magkakaroon din ito ng malaki at magandang epekto sa laban kontra COVID-19.
134 