ISA na namang kawawa nating kababayan ang biktima ng pagmamaltrato at panggagahasa mula sa kamay ng kaniyang amo sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA).
Itago na lang natin sa pangalang OFW M ang biktima na batay sa ipinarating niyang sumbong sa atin ay mahigit kumulang apat na taon na siyang wina-walanghiya ng kaniyang among lalake. Hindi raw siya agad nakahingi ng tulong dahil binawi sa kaniya ang kaniyang mobile phone (celfone) kung kaya hirap na hirap siyang kumontak sa kaniyang mga kamag-anak at kaibigan dito sa Pilipinas.
Si OFW M ay tubong Tuguegarao City, Cagayan. Matagal-tagal na rin siyang nagtatrabaho sa KSA sa pamamagitan ng Adnan International Manpower Agency. Kung tutuusin ay nakatapos na raw siya ng kaniyang kontrata noon pagkatapos sa loob din halos ng dalawang taon.
Matapos ang tatlong linggo na pagbabakasyon ay bumalik siya sa kaniyang dating amo.
Pero sa kaniyang pagbalik ay malaki raw ang ipinagbago nito lalo na ang kaniyang among lalake. Sa tuwing umaalis daw ang kaniyang among babae ay paulit-ulit siyang gagahasain ng amo niyang lalake. Hindi pa rin daw natitigil ang kawalanghiyaang ito hanggang sa kasalukuyan. Umabot na nga raw sa sukdulan ang pambababoy sa kaniyang katawan. Nanginginig na raw siya sa takot at kulang na lang daw ay himatayin siya nang tuluyan sa sakit at hapdi dahil ginagawa raw siyang parausan.
Gustong-gusto na raw niyang makauwi sa Pilipinas dahil hindi na raw niya makayanan ang lahat ng kababuyan na ginagawa sa kaniya. Hindi raw siya agad nakapagsumbong lalo na sa kaniyang mga magulang dahil hirap na hirap siyang makagawa ng paraan kung paano makokontak ang kaniyang mga mahal sa buhay. Bukod dito ay nangangamba rin siya sa kalagayan ng kaniyang nanay na may taglay na karamdaman. Kung malalaman daw nito ang mapait niyang karanasan ay baka lalo lang lumubha ang sakit nito sa kasalukuyan.
Ang masaklap pa sa kalagayan ngayon ni OFW M ay pilit daw na kinuha ng kaniyang among lalake ang kaniyang ipon mula sa suweldo na aabot na sa mahigit 38 thousand riyal. Pero balewala daw ang lahat ng ito dahil ang mahalaga ay ang makauwi na siya sa Pilipinas dahil hirap na hirap na siya sa kaniyang kalagayan.
Umaasa si OFW M na sa pamamagitan ng AKOOFW ay mareresolba ang kaniyang problema at sa lalong madaling panahon ay makakaalis siya sa kaniyang amo at makakauwi na sa bansa para makasama ang kaniyang pamilya.
Makikipag-ugnayan tayo sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan lalo na sa ating embahada para masagip si OFW M sa malupit na kalagayan niya ngayon doon sa KSA. Hindi magtatagal at magagawan natin ng paraan at matutugunan ang kaniyang kahilingan upang kaniya nang matakasan ang kaniyang amo na rapist na, magnanakaw pa.
oOo
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address na saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
203 