DAHIL sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay nagkaroon ng emergency meeting ang IATF at nagkaroon ng mga bagong rekomendasyon na naaprubahan naman ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na umaasa ang pamahalaan na ang mga bagong restriksyon o pagbabawal ay magreresulta sa mas mababang numero ng COVID-19.
Inaasahan din nila na sa pamamagitan ng mga bagong restriksyon ay mapipigil din ang pagkalat ng virus lalung-lalo na ng mga bagong variants sa iba’t ibang parte ng bansa.
“Wala po tayong lockdown. Fake news po iyong nagsasabi na magkakaroon po tayo ng second stricter. Hindi po totoo iyan,” diing pahayag ni Sec. Roque.
Ang Metro Manila aniya ay mananatili sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ). Kasama ang mga probinsiya ng Bulacan, Cavite,Laguna at Rizal.
Epektibo aniya ito simula Marso 22 hanggang Abril 4, 2021.
Bagama’t ang mga probinsiya aniyang ito kasama ang Metro Manila ay nasa ilalim ng GCQ ay mayroong mga karagdagang restriksyon.
Unang-una na aniya ay bawal ang pagbibyahe papunta sa Metro Manila at mga probnsiya ng Bulacan,Cavite, Laguna at Rizal.
Bawal din aniyang lumabas ng MM at ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
“Magkakaroon po tayo ng parang ‘bubble noh dito po sa NCR at sa lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal. Sino po ang puwedeng lumabas-pasok sa mga lugar na ito? Well, ito po iyong mga tinatawag nating authorized persons outside their residences,” ayon kay Sec. Roque.
Kasama aniya rito ang mga nagtatrabaho kung saan kailangan ipakita lamang ang kanilang mga ID; health and emergency frontline services personnel; government officials at government frontline pesonnel; duly-authorized humanitarian assistance actors; persons travelling for medical or humanitarian reasons; persons going to the airport for travel abroad’ anyone crossing zones for work or business and going back home at Returning Oveseas Filipinos at OFWs.
Ang pangalawa aniya, ang pampublikong transportasyon ay mananatli sa kasalukuyan nitong kapasidad.
Bagama’t hinihikayat aniya ang publiko na magbisikleta at maglakad pero wala aniyang pagbabawas sa public transportation.
“Para naman sa mga mananakay po.. uulitin natin iyong tinatawag na Commandments for Public Transportation gaya ng pagsusuot ng mask at face shield, hindi pagsasalita at pagtawag sa telepono, walang kainan sa pampublikong transportasyon, kinakailangan na proper ventilated ang mga public utility vehicle, kailangan na regular ang disinfection, walang pasahero na may sintomas ng COVID-19 ang dapat pasakayin at kinakailangan aniya na may tamang physical distancing.
Pinagbabawal din ang lahat ng mass at public gatherings kasama na aniya ang religious gatherings.
Iyong tinatawag naman aniya na KBL o Kasal, Binyag at Libing ay pinapayagan naman subalit hanggang 10 katao lamang ang pupuwedeng dumalo.
“Uulitin ko po, wala pong mass gatherings kasama ang religous gatherings ang KBL po ay hanggang 10 katao lamang,” diing pahayag ni Sec. Roque.
Lahat naman aniya ng industriya ay mananatiling bukas.
Lahat din ng operational capacities ng essential at non-essential services at industries ay kinakailangan manatili.
Highly discouraged naman aniya ang personal at face to face meetings, pinagbabawal ang group meals sa workplaces o pagkain ng sama-sama habang Highly Encouraged naman ang Work from home at kung kinakailangang magpulong ay mag-virtual meetings.
Kinakailangan ani Sec. Roque na bagama’t ang lahat ng industriya ay bukas ay mahigpit ang pagsunod sa minimum public health standards at ang mga opisina at mga pabrika ay kinakailangan na “well ventilated”, may isolation room at palaging tsini-check ang temperatura at kung may sintomas ng covid ay hindi aniya dapat pinapayagang pumasok.
Ini-engganyo naman ng Malakanyang ang pribadong sektor na gayahin ang work arrangement na ipinatupad ng ehekutibong sangay ng pamahalaan.
“Ang atin pong Executive Secretary po ay nag-issue ng Memorandum sa lahat ng executive branch of government na ilimita ang pagpasok kung kakayanin po noh? 30% hanggang 50% operational or on-site capacity. Ito po ay “where applicable” kasi naiintindihan naman po natin ang factory ay hindi naman po pupuwedeng mag-work form home ang mga factory workers. Kung pupuwede lang po, ilimita lamang sa 30% to 50% operational or on-site capacity,” ayon kay Sec. Roque.
Pagdating naman aniya sa mga restaurant, ang papayagan lamang ay iyong mga Outdoor Dining. Hindi muna papayagan sa darating na 2 linggo ang Indoor Dining habang ini-encouraged naman ang Take-out and delivery.
Ipatutupad pa rin aniya ang curfew na alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.
Common curfew aniya ito sa MM, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
“Exempted sa curfew ang mga manggagawa na nagtatrabaho sa gabi at iyong mga cargo vehicles,” ayon pa kay Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)
156 