HALOS pitong taon nagtago sa batas ang isang 36-anyos na naitalang top 1 most wanted person sa Zamboanga Sibugay, matapos gahasain ang umano’y menor de edad na anak ng kanyang kinakasama, makaraang matunton ng mga awtoridad sa Baseco Compound Port Area Manila noong Agosto 25.
Kinilala ni Manila Police District director, P/Brigadier General Andre Perez Dizon ang suspek na si Renante Rada y Nueva, nanunuluyan sa Old Site Baseco Compound.
Base sa ulat ni P/Lt. Col. Rodel Bilan Borbe, commander ng MPD- Baseco Police Station 13, matapos makipagkoordina si P/Major Armil Austria ng Zamboanga Sibugay PPO PRO 9, inaresto ng mga awtoridad ang suspek sa nabanggit na lugar dakong alas-9:00 ng gabi.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Anthony D.T. Isaw ng 9th Judicial Region, Regional Trial Court Branch 24 sa Ipil, Zamboanga Sibugay, dahil sa mga kasong rape by sexual assault (P120,000 bail recommended), rape by sexual intercourse (no bail recommended) at crime of child sexual abuse (no bail recommended) na may petsang Nobyembre 29, 2019. (RENE CRISOSTOMO)
466 