‘NADENGGOY NI CAYETANO’

GANITO umano inilarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Marinduque Rep. Lord Alan Velasco ang hindi pagkilala ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa term-sharing agreement na kanilang napagkasunduan noong 2019.

Sa interview ni Karen Davila kay Velasco, ginawa umano ni Duterte ang nasabing pahayag nang makipagpulong ito sa pangulo noong Lunes, Oktubre 5, matapos ang kanilang unang pulong kasama si Cayetano noong Setyembre 29 sa Malacañang.

“Kitang-kita ko ‘yung galit ng Pangulo. Sabi sa akin ni Pangulo, ‘Lord, hindi lang ikaw ang napahiya dito, tayong dalawa.’ Actually, the President used the word ‘Lord, nadenggoy tayong dalawa,” ani Velasco.

Pumunta umano si Velasco kay Duterte dahil walang plano si Cayetano na bumaba sa Oktubre 14 tulad ng kanilang unang nakapagsunduan sa pulong noong Setyembre 29 matapos mag-offer ng resignation ang huli noong Setyembre 30 subalit ni-reject ng 184 congressmen.

Matapos ang solong meeting ni Velasco kay Duterte noong Oktubre 6, kinabukasan, ay agad tinapos ni Cayetano ang deliberasyon sa National Budget na nagkakahalaga ng P4.506 trillion at ipinasa ito sa ikalawang pagbasa kahit hindi pa tapos ang pagbusisi sa malalaking ahensya ng gobyerno.

Kasabay nito ay sinuspinde ni Cayetano ang sesyon ng Kamara hanggang Nobyembre 16 kaya hindi natupad ang plano na pagtibayin ito sa ikatlo at huling pagbasa sa Oktubre 13.

“Ako talaga, awang-awa sa pangulo because sa tingin ko parang tinik sa kanyang puso yung…sharing of this stress or burden,” ani Velasco kaya hindi umano nito masisisi si Duterte na magalit.

Balik-sesyon

Samantala, umiikot na ang isang resolusyon para pilitin ang liderato ni Cayetano na ibalik ang sesyon at maging ang national budget sa plenaryo ng Kamara.

Pinapipirmahan sa mga mambabatas ang resolusyon matapos sabihin ni Pangulong Duterte na kailangang maipasa nang “legal” ang national budget na mangyayari lang kapag naibalik ang sesyon.

Hindi sinabi ni Velasco kung siya ang pasimuno sa nasabing resolusyon subalit binigyang-diin nito na “the only way to pass the budget on time is to resume session”.

Napaaga ng walong araw ang recess ng Kongreso para sa All Soul’s Day matapos suspendehin ng liderato ni Cayetano ang sesyon noong Oktubre 6 sa halip na sa OOktubre 14.

Hindi pa sumasagot si Cayetano kung muling bubuksan ang sesyon subalit pinaaga nito ang deadline sa pagsusumite ng kopya ng national budget sa Senado dahil imbes na sa Nobyembre 17 na unang plano ay ibibigay na umano ito sa mga senador sa Nobyembre 6.

Bago nagpahayag ng galit si Duterte, sinabi ni Cayetano na kapag ibinalik sa sesyon ang budget ay posibleng lalo itong ma-delay dahil tiyak na isasabotahe umano ng mga kalaban.

Ambisyon sa 2022

May duda rin si Velasco na kaya ayaw bitiwan ni Cayetano ang Speakership ay dahil sa kanyang ambisyon sa 2022.

“I don’t know what Cayetano is fighting for–I think he’s fighting for his personal interest. Na maging presidente sa 2022,” ani Velasco.

Si Cayetano na miyembro ng Nationalista Party (NP) na pinamumunuan ni dating Senate President Manny Villar ay runningmate ni Pangulong Duterte noong 2016 election subalit natalo.

Kasapi naman ng administration party na PDP-Laban si Velasco.

“We have to show the public na pag may salita tayo, tinutupad natin ito. We are called ‘Honorables’ because we keep our honor. Kailangan, pag nagbibitiw tayo ng salita, tinutupad natin,” dagdag pa nito. (BERNARD TAGUINOD)

138

Related posts

Leave a Comment