CAYETANO NATAKOT MAWALA SA TRONO, TUMIKLOP

MABILIS na nangako si Speaker Alan Peter Cayetano kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipapasa ng Kamara de Representante ang P4.5 trilyong hinihinging badyet ng pambansang pamahalaan para sa 2021.

“We would like to assure the President and our fellow citizens that despite all the noise – the 2021 budget will be passed on time,” pahayag ni Cayetano sa kanyang Facebook account nitong Huwebes ng gabi.

Biglang tumiklop ang matapang, agresibo at walang takot na bumira ng kapwa mambabatas na si Cayetano nang ilabas ang kanyang pangako kay Duterte at sa mamamayang Filipino.

Lumabas sa telebisyon na habang nasa kaliwa niya sina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Interior Secretary Eduardo Año at sa kanan naman sina Executive Secretary Salvador Medealdea, idiniin ni Duterte sa Kamara na tapusin ang agawan sa speakership at ipasa ang badyet para sa 2021 sa “legal at konstitusyonal” na paraan.

Ang Department of National Defense (DND) na pinamumunuan ni Lorenzana ang may hawak at kontrol sa Armed Forces of the Philippines (AFP), samantalang ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na pinamumunuan naman ni Año ay ang Philippine National Police (PNP) ang hawak at kontrolado nito.

Idiniin ni Duterte sa Kamara na siya ang “mag-aayos ng problema para sa kanila.”

Hindi malinaw kung ang kahulugan ng reresolbahan ni Duterte ang problema ni Cayetano ay ipakukudeta siya ng pangulo.

Kapag nangyari ito ay siguradong mapapahiya si Cayetano dahil kudeta ang magpapaalis sa kanya sa trono sa Kamara.

Hindi man umamin si Cayetano at ang kanyang mga tagapagtanggol tulad nina Deputy Speaker Luis Raymund Villafuerte Jr. at Majority Leader Martin Romualdez, kudeta laban sa kanya ang kanyang ikinatatakot.

Lumilitaw, napilitan si Duterte na magsalita uko sa ‘gulo’ sa Kamara makaraang biglang ipatigil ni Cayetano ang sesyon ng mababang kapulungan ng Kongreso.

Sa kanyang pahayag sa Facebook, humingi rin ng tawad si Cayetano kay Senate President Vicente Sotto III sa ginawa niyang paninisi at pagbira sa Senado tungkol sa posibleng ‘di pagpasa ng badyet para sa 2021 bago matapos ang 2020.

Inulit lamang ni Cayetano ang naunang pahayag kay Sotto na sa Nobyembre 16 ang ikatlo at huling pagbasa sa panukalang badyet.

“We will submit the printed budget to the Senate on November 5, allowing them to proceed with their hearings, and preparing the way for the formal transmittal on November 16, immediately after Congress votes and approves on third reading the 2021 General Appropriations Bill,” pahayag ni Cayetano.

“We likewise assure the President that all the actions that we have taken are legal, constitutional, and in line with time-honored precedence in the House. Neither I nor the other members of Congress will sacrifice the budget in this critical time, for political expediency,” susog ng kongresista ng lungsod ng Taguig at bayan ng Pateros. (NELSON S. BADILLA)

178

Related posts

Leave a Comment