CAVITE – Imbes na police clearance, isang warrant of arrest ang natanggap ng isang lalaki nang arestuhin sa Dasmariñas City noong Lunes ng hapon.
Ayon sa ulat, bandang alas-4:00 ng hapon nang nagtungo ang suspek na si alyas “Gima” sa Dasmariñas Component City Police Station upang mag-apply ng police clearance na kailangan sa trabaho.
Makalipas ang ilang minutong paghihintay, imbes na police clearance ang matanggap ay inisyuhan siya ng warrant of arrest na inilabas ni Assistant Judge Elenita Carlos Dimaguila, ng Regional Trial Court, National Capital Region, Branch 112, Pasay City.
Sa isinagawang beripikasyon sa National Police Clearance System, nakita sa E-warrant system ang kanyang pangalan na may nakabinbin na kasong paglabag sa RPC Art. 310 (Qualified Theft) noong pang taon 2022.
Nangangailangan ang suspek ng halagang P40,000 piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
(SIGFRED ADSUARA)
