NAGHAIN si Senadora Camille Villar, ng panukalang batas na layong palakasin ang proteksyon para sa mga manggagawa sa Business Process Outsourcing (BPO) sector. Nilalayon ng panukala na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga empleyado, lalo na matapos lumabas ang mga ulat hinggil sa mga BPO worker sa Cebu na pinilit umanong bumalik sa trabaho kahit may banta pa ng panganib matapos ang malakas na lindol.
Mariing tinutulan ng mga manggagawang BPO sa Cebu ang umano’y return-to-work orders at banta ng pagkawala ng trabaho matapos nilang unahin ang kanilang kaligtasan sa gitna ng 6.9 magnitude na lindol.
“Walang manggagawa ang dapat mamili kung trabaho ba o kaligtasan ang kanilang pipiliin. Dapat laging nauuna ang kapakanan at seguridad ng ating mga BPO workers,” ani Villar, kasabay ng panawagan sa agarang pagpasa ng kanyang panukala.
Ang naturang panukala, na nakapaloob sa Senate Bill No. 1401 o “BPO Workers’ Welfare and Protection Act,” ay nagtatakda ng mas komprehensibong proteksyon para sa mga empleyado sa outsourcing sector.
Sa ilalim nito, inaatasan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na bumalangkas at magpatupad ng Occupational Health and Safety Standards (OHSS) na nakaayon sa mga rekomendasyon ng International Labor Organization (ILO). Dapat ding regular na i-review at mahigpit na ipatupad ang mga pamantayang ito sa lahat ng BPO companies sa bansa.
Kabilang din sa panukala ang obligasyon ng bawat kumpanya na gumawa ng Workplace Occupational Health and Safety (WOHS) policy na nakabatay sa pambansang pamantayan ngunit naaayon din sa lokal na kalagayan. Taun-taon itong rerepasuhin ng mga employer, kasama ang mga Workplace Occupational Health and Safety Officer (WOHSO), Enforcement Officers, at mga kinatawan ng mga manggagawa upang matiyak ang pagiging epektibo ng mga hakbang sa kaligtasan.
Hindi lamang kaligtasan ang saklaw ng panukala. Ipinagbabawal din nito ang sobra-sobrang company bonds at fees na ipinapataw sa mga empleyadong umaalis bago matapos ang itinakdang kontrata. Sakop din nito ang mga probisyon laban sa diskriminasyon batay sa lahi, kasarian, sexual orientation, edad, relihiyon, kapansanan, at iba pang status na kinikilala sa ilalim ng mga pamantayan ng karapatang pantao.
“Ang mga BPO workers ay nasa unahan ng ating global service industry. Ang tunay na pag-unlad ay hindi lang nasusukat sa kita, kundi sa pangangalaga ng dignidad at kapakanan ng bawat manggagawang Pilipino,” pagtatapos ni Villar.
(Danny Bacolod)
