LGU EMPLOYEE ARESTADO SA DRUG BUY-BUST

ZAMBOANGA SIBUGAY – Arestado ang isang tauhan ng local government unit sa lalawigan sa isinagawang anti-drug operation ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency nitong nakalipas na Linggo.

Ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, matapos ang isinagawang surveillance operation ay ikinasa ang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang illegal drug personality sa Barangay Sta. Barbara, Imelda, Zamboanga Sibugay.

Dakong alas-12:20 ng tanghali nang ilatag ang buy-bust operation ng mga operatiba ng PDEA Zamboanga Sibugay Provincial Office (PDEA ZSBY PO), katuwang ang Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU ZSBY) at Imelda Municipal Drug Enforcement Unit (IMELDA MDEU), sa Purok Mindanao.

Nakumpiska sa operasyon ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang tumitimbang ng 5 gramo at may standard drug price na P34,000.00.

Kinilala ang naarestong suspek si alyas “Merjun”, 44-anyos, high school level, driver ng garbage truck ng LGU, at residente ng Purok Luzon, Barangay Sta. Barbara, Imelda, Zamboanga Sibugay.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

(JESSE RUIZ)

44

Related posts

Leave a Comment