IMBES na kumakain ng tikoy ay naghihimas ng rehas na bakal ang anim na hinihinalang tulak ng ilegal na droga makaraang madakip sa bisperas ng Chinese New Year at nakumpiskahan ng halos P120,000 halaga ng umano’y shabu sa buy-bust operation sa Malabon City.
Unang nadamba sina Jonne Contado, 46; Agapito Regulacion, 27, kapwa ng Tondo Manila, at Jose Quibuying, 58, ng Brgy. 8, Caloocan City.
Alas-3:30 noong Huwebes ng madaling araw nang isagawa ang operasyon laban sa mga suspek sa Avocado St., Brgy. Potrero, Malabon City at nakumpisksa sa mga dinakip ang 8.7 gramo ng shabu na P59,160 ang halaga, at P500 buy-bust money.
Dahil hindi kumpormeng sila lang ang makulong, inginuso ni Contado ang kanyang source ng shabu kaya’t agad nagsagawa ang mga operatiba ng follow-up buy-bust operation sa Quirino Highway footbridge, kanto ng Mindanao Ave., Brgy. Talipapa, Quezon City dakong alas-5:00 ng umaga.
Dinaluhong ng mga operatiba sina Jordan Molina alyas “Lay”, 33; Yolanda Mendoza, 52, at Ely Fernandez, 27, nang paiskorin ng P500 halaga ng shabu ang undercover cop at nakumpiska sa mga ito ang 8.8 gramo shabu na P59,840 ang halaga at buy-bust money. (ALAIN AJERO)
272 