KAHIT ano pang sabihin ng China, sa kanila nagsimula ang COVID-19 na namemerwisyo ngayon sa buong mundo kaya kailangan nilang tumulong sa mga bansang apektado.
Actually, naghihintay ako ng matapang na bansa na magsasabi na kailangang pagbayarin ang China sa pamemerwisyong idinulot ng sakit na ito na nagsimula sa Wuhan.
Kung ang mga bansang nagsimula ng giyera lalo na noong World War II tulad ng Germany at Japan ay pinagbabayad o sinisingil ng kumpensasyon, baka kailangang gawin din ito ng mga bansang apektado sa COVID-19 mula sa China.
Hindi na biro ang epekto ng COVID-19 hindi lang sa ekonomiya ng mga apetakdong apektado kundi sa ekonomiya ng mga ordinaryong mamamayan na nawalan at mawawalan ng hanapbuhay dahil sa pagpapabaya ng China.
Lahat ng mga negosyo sa mundo mula sa airline industry hanggang sa tourism industy at halos lahat ng industriya sa mundo ay nagbabagsakan dahil sa sakit na ito na hinayaang kumalat ng China.
Alam ng China ang sakit na ito noong Disyembre 2019 pero hinayaan nila at pinatahimik nila ang doctor na nagsiwalat sa nakakatakot na sakit na ito kaya imbes na makontrol ay kumalat pa.
Hinayaan ng China ang kanilang mamamayan mula sa Wuhan na bumiyahe sa iba’t ibang panig ng mundo kaya naikalat ang virus sa mga bansang kanilang pinuntahan kaya malaki ang pananagutan sa mga bansang ito.
Huli na nang i-lockdown ng China ang Hubei province kung saan nandun ang Wuhan City dahil nakabiyahe na ang kanilang mamamayan sa iba’t ibang panig ng mundo kaya huli na ang kanilang aksyon…naikalat na ang virus.
Alam ko na dadaan sa mahabang proseso sakaling may bansa na magsabi na kailangang bayaran ng China ang buong mundo na naapektuhan sa COVID-19 pero dapat may magsimula.
Kailangan na rin sigurong magkaisa ang mga bansa sa mundo na imbestigahan ang mga ulat na nagkaroon ng aksidente sa Wuhan City kung saan dinedevelop ng China ang kanilang biowarfare.
Maraming lumutang na ulat na matagal nang nagdedevelop ng mga microorganism na gagamitin sa giyera at hindi mo maiiwasang isipin na nagkaroon ng aksidente kaya dapat din itong tingnan ng intelligence agents ng mga bansa,
May kasabihan tayo na kapag may usok, may sunog kaya yung mga powerful countries ay imbestigahan ang bagay na ito at magkalinawan na dahil kung totoong ang haka-haka ng karamihan sa mga tao, eh dapat talagang pagbayarin ang China.
Pero ang tanong, sinong bansa ang puwedeng gumawa nito? Marami sa mga apektadong nasyon ay itinuturing na tuta ng China kaya huwag mo na silang asahan na kikilos. Saka lang sasama ang mga yan kapag may nagsimula at mapatunayan na ang kapabayaan ng China ang dahilan ng puwerhuwisyong inabot ng buong mundo.
426 