LANAO DEL NORTE – Patay ang isang magsasaka makaraang barilin ng pulis nang magwala ang biktima habang armado ng itak, iniulat nitong Lunes ng umaga sa lalawigang ito.
Kinilala ang biktimang si Rico Montalban, 53-anyos, residente ng Purok 4, Brgy. Darumawang Ilaya, Lala, Lanao del Norte habang ang pulis ay si Patrolman Francis Barason, 33-anyos, nakadestino sa Sapang Dalaga Municipal Police Station, at residente ng nasabing lugar.
Batay sa report ng Lala Municipal Police Station, bago ang insidente, nagwala umano si Montalban sa bahay nito dahil sa kalasingan.
Nabulahaw naman ang mga kapitbahay sa ingay ni Montalban dahilan para humingi sila ng tulong kay Barason.
Pagdating ng pulis sa nasabing lugar, inabutan niyang armado ng itak si Montalban kaya binaril niya na agad ikinamatay ng biktima.
Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang mga basyo ng 9mm pistol at itak.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente. (ANNIE PINEDA)
