NAIA SAN MIGUEL-DOTr PPP DEAL PINASASAMA SA IMBESTIGASYON

NAKIISA ang Pagkakaisa ng mga Users, Stakeholders at Obrero ng NAIA (Puso ng NAIA) sa sentrong Kilusang manggagawa sa pagtuligsa at paglahok sa malawakang pagkilos bukas laban sa malaganap na korapsyon sa pamahalaan.

NANAWAGAN ang mga manggagawa sa aviation at mga kaalyadong grupo mula sa civil society na isama sa imbestigasyon ng mga maanomalyang proyektong pang-imprastruktura ang ₱900-bilyong NAIA PPP sa pagitan ng DOTr at San Miguel Corporation.

Ayon kay Gilbert Bagtas, pangulo ng Samahan ng mga Manggagawa sa Paliparan ng Pilipinas (SMPP), “sobrang nakakasuka at nakakapaghimagsik ng kalooban kung paano pagpyestahan ng halos karamihan sa mga taong-gobyerno ang ating buwis… Walang duda, dapat papanagutin lahat ng sangkot, laluna ang mga taong gobyerno… kasama lahat ng mga Senador at Kongresista.”

Kamakailan ay bumuo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang imbestigahan ang mga maanomalyang flood control projects.

Pinamumunuan ito ng retiradong Korte Suprema Justice Andres B. Reyes Jr., kasama sina dating DPWH Secretary Rogelio Singson, SGV Managing Partner Rossana Fajardo, at si Baguio Mayor Benjamin Magalong bilang espesyal na tagapayo at imbestigador.

Iginiit ng mga manggagawa na dapat ding isama sa imbestigasyon ang NAIA PPP deal dahil sa kawalan ng konsultasyon, minadali at hindi malinaw na pagkakaloob sa SMC, malayang pagtatakda ng mga bayarin ng kompanya, pagkakaloob ng garantiya ng kita mula sa gobyerno, ganap na pagsuko ng regulasyong dapat hawak ng pamahalaan, at napakalaking taas-singil na naglilimita sa akses ng publiko sa air travel.

Kaugnay nito, hinihiling nila ang pagpigil sa lahat ng dagdag-singil sa NAIA mula Oktubre 2024, isang kumpleto at malinaw na pagsusuri ng kontrata, termino at implementasyon ng PPP, publikong pagbubunyag ng lahat ng dokumento, bayad, at ulat ng performance, gayundin ang pagpapatawag at pagpapatotoo mula sa lahat ng sangkot na partido.

“Sa patuloy na pagdami ng mga isinasapribadong mahahalagang pampublikong serbisyo, marapat din na silipin ng ICI ang kabutihan nito sa publiko at sa bansa,” saad pa ni Bagtas.

10

Related posts

Leave a Comment