Nakialam sa paninita ng MMDA sa nakatsinelas PARTY-LIST NOMINEE INARESTO SA KAMBAL NA KASO

DINAKIP sa bisa ng warrant of arrest ng mga tauhan ng Provincial Regional Office 13 (PRO-13) si Ret. Col. Bonifacio Laqui Bosita sa Surigao Del Sur noong Huwebes.

Ang pag-aresto ay pinangunahan ni Tago Municipal Police Station Major Marietes Salanguit, OIC ng nasabing himpilan ng pulisya.

Si Bosita ay dinakip ng mga pulis dakong ala-1:30 ng hapon noong Pebrero 3, 2022 sa Purok Calamansi, Brgy. Purisima, Tago, Surigao Del Sur.

Si Bosita, 55-anyos, may asawa, ay retired PNP Officer at residente ng National Highway, Puting Kahoy, Silang Cavite.

Si Bosita ay inaresto ng mga awtoridad sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong paglabag sa Art. 286 (Grave Coercion) at Art. 177 (Usurpation of Authority or Official Functions) na inisyu ni Judge Karen Maramba Firme, ng RTC, Metropolitan Trial Court, National Capital Judicial Region, Branch 60, Mandaluyong City, na may petsang Disyembre 28, 2021.

May inirekomendang piyansa para kay Bosita na P36,000 halaga para sa kasong grave coercion, at P30,000 naman para sa usurpation of authority or official functions.

Nag-ugat ang kaso ni Bosita nang ipagtanggol niya ang mag-asawang hinuli ng mga tauhan ng MMDA enforcers dahil nakatsinelas ang isa mga ito.

Iginiit ni Bosita na dapat bayaran ng mga enforcer na humuli sa mag-asawa ang kanilang sweldo dahil naabala sila sa ginawang paghuli sa kanila ng MMDA enforcers.

Hindi ito nagustuhan ni MMDA Traffic chief Bong Nebrija hangggang sa humantong sa palitan ng maaanghang na salita at pagsasampa ng kaso laban kay Bosita.

Si Bosita ang founder ng RSAP-Riders’ Safety Advocates of the Philippines at first nominee ng 1Rider Party-list. (JOEL O. AMONGO)

248

Related posts

Leave a Comment