NAMAMALIMOS NG LIKES, SHARE, FOLLOW SA SOCIAL MEDIA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MARAMING nakadudurog ng puso na mga post sa social media hinggil sa kalagayan ng marami nating kababayan na nasa probinsya na namamalimos ng likes, share at follow para magkaroon sila ng konting bayad mula sa meta.

Napapa-like at share ang netizens sa kanilang post dahil sa awa sa kanilang abang kalagayan para kahit papaano ay matulungan silang i-monetize ang kanilang post o content at makatulong ito sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Hanggang ngayon ay marami ang namamalimos pa rin sa lansangan at pera ang hinihingi nilang limos pero sa social media ay share, likes at follow lang ang kanilang kailangan at habang tumatagal ay dumarami sila.

Alam nilang malaking pera ang umaakyat sa mga sikat na social media influencers o kaya mga sikat na mainstream media personalities kaya ginagaya ng mga ordinaryo at mahihirap nating kababayan na nagbabakasakaling makaahon sila sa hirap.

Hindi ako nababanas sa mga namamalimos ng share, likes at follow sa social media kundi sa mga namamahala sa gobyerno, hindi lamang ngayon kundi sa mga nakaraang administrasyon pa lalo na ang mga politiko at appointees.

Ang tatagal na nila sa puwesto pero hindi pa umuunlad ang bansa dahil inuuna nila ang kanilang sarili kaysa taumbayan kaya napababayaan ang marami nating kababayan lalo na sa malalayong mga lalawigan.

Imbes na gamitin ang pondo ng bayan para iahon ang mga Pilipino sa kahirapan ay ibinubulsa nila kaya sila ang yumayaman at saka lang nila maaalala ang mamamayan kapag oras na naman ng eleksyon at pangangakuan pero hindi tinutupad.

Walang politiko, mula mayor pataas, ang hindi nakikinabang sa government projects. ‘Yung flood control projects ang pinakamalaking katiwalian sa kasaysayan ng bansa at matagal nang nangyayari at pinagkakakitaan.

Pero hindi lang iyan ang pinagkakakitaan sa pamamagitan ng komisyon ng mga politiko at maging ng appointees at corrupt officials ng mga ahensya ng gobyerno, kundi lahat ng mga proyekto ng pamahalaan.

Sa laki ng pondong inilalaan sa mga imprastraktura taon-taon, dapat umunlad na ang buhay ng mga tao pero dahil marami ang corrupt officials, mga substandard ang mga proyektong ginagawa at ang masaklap, maraming ghost projects.

Kaya ang unang pumapasok sa isip ko kapag nakikita ko ang mga namamalimos ng awa sa social media, ay ang mga politikong corrupt, ang appointees na corrupt, ang mga contractor na corrupt at agency officials na corrupt.

Sila ang dahilan kung bakit naghihirap ang bansa pero dapat ding matuto kasi ang mga tao kapag eleksyon, huwag n’yo na kasing iboto ang mga corrupt dahil binayaran kayo!

3

Related posts

Leave a Comment