NAMBOBOLA LANG SA LAND CONVERSION

MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT

NOONG nasa Laguna ang mga kandidato ng administrasyon sa pagka-senador para mangampanya, ang isa sa isyung pinag-usapan ay ang lumalalang land conversion at halos lahat sila ay pabor na ipatigil na gawing commercial at subdivision ang mga agricultural land.

Pero ang tingin ko, binobola na naman nila tayo! Bakit kanyo? Halos lahat ng mga senatorial candidate na nagsalita ay mga dati at kasalukuyang senador na hindi pinansin ang problemang ito at tila nagbulag-bulagan lamang.

Marami na ring panukalang batas para kontrolin ang pag-convert sa mga lupang sakahan sa subdivision, commercial centers, infrastructure projects at iba pa, pero hindi naman pinansin ng mga kasalukuyan at dating senador.

Ilang dekada na ang problemang ito kaya pakonti nang pakonti na ang lupang natataniman ng palay, gulay, mais at iba pang agricultural crops kaya kung talagang may concern ang mga kandidatong ito sa isyung ito, dapat noon pa sila kumilos.

Ngayon sasabihin nila sa atin na kailangang bisitahin uli ang Land Used Act para maisalba ang mga sakahan sa gahamang mga negosyante na walang pakialam kung maubos ang mga sakahan basta kumikita sila.

Ilang dekada na bang naging senador ang karamihan sa mga kandidatong ‘yan at ngayon lang nilang sasabihin na bibisitahin uli ang batas na walang kuwenta kaya para sa akin pambobola lang ‘yan.

Saka hindi decisive ang kanilang sagot ha. Hindi dapat rebyuhin lang ang batas kundi amyendahan kung talagang nais nilang maisalba ang mga sakahan para hindi dumating ang araw na magmamakaawa tayo sa ibang bansa na bentahan tayo ng pagkain.

Hindi lang sa mga probinsya na malapit sa Metro Manila malala ang land conversion kundi sa malalayong nga probinsya dahil maraming mga tao ang nagtatayo ng bahay sa mga bukid na hindi sinisita ng local government units (LGUs).

Marami ring mga diversion road ang ginagawa pero idinaan sa bukid kaya ‘yung dating mga palayan ay naging kalsada na kaya talagang nauubos ang mga sakahan dahil sa kunwaring development.

Hindi ba puwedeng idaan ang diversion road sa mga lugar na hindi sakahan? Puwede naman eh kung talagang gusto nila pero hindi nila ginagawa at isinasakripisyo ang mga sakahan sa ngalan ng imprastraktura.

Aaanhin mo ang mga imprastraktura kung walang makain ang mga tao? Aanhin mo ang mabilis na biyahe kung kumakalam ang sikmura ng iyong mamamayan? Hindi ata nag-iisip ang mga taga-gobyerno.

‘Yung mga senatorial candidate na nagkaroon ng concern sa land conversion, tatandaan namin kayo. Kung mananalo kayo ay 6 na taon kayo sa puwesto at kapag sa mga panahon niyan ay hindi niyo naipagbawal ang land conversion, talagang nambola lang kayo para makuha niyo ang boto ng mga tao.

33

Related posts

Leave a Comment