NANGANGALAGA SA MASUNGI PINALAYAS NG DENR

NANGANGANIB na tuluyan nang masira ang Masungi Georeserve sa Rizal matapos palayasin ng Department of Environment and National Resources (DENR) ang foundation na nangangalaga rito.

Kamakalawa, inanunsyo ng DENR sa pamamagitan ni Undersecretary Juan Miguel Cuna, kinansela na ng ahensya ang kontrata sa Blue Star Construction and Development Corp., dahil sa iba’t ibang paglabag umano sa kasunduan.

Ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro, ang nasabing kumpanya na nasa likod ng pangangalaga sa Masungi Georeserve, na kinilala ng mga organisasyon sa iba’t ibang bahagi ng mundo, ay binigyan lang ng 15 araw para lisanin ang 300 ektaryang kabundukan.

“Ang pagpapaalis sa Masungi Georeserve Foundation ay malinaw na hakbang tungo sa pagbukas ng protektadong lugar para sa komersyal na interes. Ano ba talaga ang plano ng DENR? Iligtas ang kalikasan o ibenta ito sa mayayamang developer?” tanong ni Castro.

Sinabi ng mambabatas, maraming negosyante at indibidwal ang interesado sa Masungi kaya kung ibibigay ito ng DENR ay tuluyang masisira ang nasabing kabundukan at kagubatan na nagsisilbing proteksyon ng Metro Manila kapag panahon ng bagyo.

Ang Star Blue na siyang nasa likod din umano ng Masungi Georeserve Foundation, ay nagsalba sa nasabing kabundukan na pinasok ng illegal logging, quarrying at land-grabbers kaya naibalik ang sigla nito at nagbalikan ang endangered species dahil sa itinanim nilang mahigit 100,000 puno.

“The DENR should be the first to defend Masungi, not the one threatening its existence. Napakalaking kabalintunaan na ang ahensyang dapat nagpoprotekta sa ating kalikasan ay siya pang nagpapalayas sa mga tunay na tagapagtaguyod nito,” ayon kay Castro.

Kinuwestiyon din ng mambabatas kung bakit ginawa ang desisyon habang naka-leave si DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga. (PRIMITIVO MAKILING)

4

Related posts

Leave a Comment