Nangunguha ng talaba at tahong pinagbabaril 4 PATAY, ISA SUGATAN SA SULTAN KUDARAT MASSACRE

NAGLUNSAD ng malawakang manhunt operation ang PNP-Police Regional Office 12 laban sa armadong kalalakihan na sinasabing nasa likod ng brutal na pagpatay sa apat na miyembro ng pamilya, kabilang ang dalawang bata, ayon sa ulat ni Brig. Gen. Alexander Tagum, Regional Director ng PNP-PRO12, kahapon.

Ayon kay P/BGen. Tagum, patuloy ang kanilang pagtugis sa mga suspek para managot sa krimen sa isang pamilya sa bayan ng Lebak sa lalawigan ng Sultan Kudarat na nagresulta sa pagkamatay ng apat na magkakapamilya at isa pa ang sugatan.

Ayon sa inisyal na ulat ng Lebak Municipal Police, noong Miyerkoles, pinagbabaril ng mga suspek si Jimmy Capiseño, 59, ang asawa nitong si Aida, 58; ang kanilang mga apo na sina Jimmy Pakamanan, 11, at Esmairha Capiseño, 8, pawang mga residente ng Center 1, Barangay Taguisa sa nabanggit na bayan.

Sinasabing nangunguha ng talaba at tahong sa tabing dagat sakop ng Sitio Tuka sa Barangay Datu Karon, ang mga biktima nang pagbabarilin ang mga ito sa ulo ng mga suspek gamit ang M-16 armalite rifles.

Nasugatan naman sa insidente si Jay-ar Kamaman Capiceño, 28, na tinamaan ng bala hita, na agad dinala sa Sultan Kudarat District Hospital.

Isang 10-anyos na lalaking kinilalang si Jay-Ar Capiseño ang nakatakbo at nasagip ng mga awtoridad.

Ayon kay Maj. Joel Martinez, hepe ng Lebak Municipal Police Station, nangyari ang insidente sa Salunganan, Sitio Tuka, Barangay Datu na sakop ng 104th Base Command ng MILF Community kung saan kinilala ang mga suspek na sina Den Den Rakman Saludin, Dick Datumanong at isang pang unidentified na pawang kasapi umano ng 104th MILF Base Command. (JESSE KABEL)

156

Related posts

Leave a Comment